ni Jasmin Joy Evangelista | December 22, 2021
Nagbabala ang PSA sa publiko hinggil sa kumakalat na post sa social media na makatatanggap umano ng 10K ayuda ang mga magre-register sa national ID.
Noong Nobyembre, nag-post ang isang Facebook page na gumagamit ng pangalan at logo ng DSWD na makatatanggap umano ng ayuda ang mga magpaparehistro ng National ID. Sinabi rito na kailangang mag-register sa isang website para makatanggap ng P10,000 ayuda sa Landbank ATM account na ipinamimigay ng PHILSYS.
Giit ng PSA, hindi totoong makatatanggap ang mga PHILSYS registrants ng Landbank ATM na may lamang P10,000 ayuda. Ayon pa sa ahensiya, maaari ngang magbukas ng account sa Landbank ang mga nagpaparehistro sa mga kiosk na nasa registration centers bilang bahagi ng kanilang partnership pero paglilinaw nila, walang laman ang mga prepaid cards na kanilang ipinamimigay.
Nagpahayag na rin ang Landbank na sinasabing libre ang pagbubukas ng account ngunit wala itong lamang ayuda.
Hanggang ngayon ay active pa rin ang pekeng Facebook page ng DSWD.
Paalala ng mga ahensya ng gobyerno, huwag agad maniwala sa mga nakikita sa social media. Ugaliing maging mapanuri upang hindi mabiktima ng mga maling impormasyon. Lagi ring tandaang huwag magbigay ng mga personal na impormasyon sa mga kahina-hinalang website na makikita sa social media.
Comments