top of page
Search
BULGAR

Drummond, angat ang laro; Embiid, tinambakan ang OKC

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 12, 2021




Pinaalala ng Los Angeles Lakers na sila ang defending champion ng NBA at tinalo ang numero uno sa Eastern Conference na Brooklyn Nets, 126-101, kahapon sa Barclays Center. Umangat ang laro ng bagong pirmang si Andre Drummond sa kanyang 20 puntos at 11 rebound para umakyat sa kartadang 33-20 panalo-talo.

Sumunod si Dennis Schroder na may 19 puntos kahit pinalabas siya at si Kyrie Irving ng Nets ng reperi matapos magtalo ang 2 guwardiya na may 9:41 ang nalalabi sa 3rd quarter. Kumuha rin ng lakas ang Lakers sa isa pang bagong lipat na si Ben McLemore galing Houston Rockets na nag-ambag ng 17 puntos.

Kinuha ng Philadelphia 76ers ang pagkakataon at tumabla muli sa Nets sa 36-17 para sa liderato ng East sa bisa ng kanilang 117-93 paglampaso sa Oklahoma City Thunder. Namuno si Joel Embiid sa kanyang 27 puntos at kumuha ng suporta kay Furkan Korkmaz na may 20 puntos.

Nanatili sa tuktok ng buong NBA ang Utah Jazz at pinaluhod ang bisitang Sacramento Kings, 128-112. Talagang hari ang Jazz (40-13) sa sariling tahanan sa likod nina Donovan Mitchell na may 42 puntos at Mike Conley Jr. na may 24 habang lumiban ng pangalawang sunod na laro si Jordan Clarkson bunga ng pilay sa bukung-bukong.

Pangalawa pa rin sa West ang Phoenix Suns matapos nila sunugin ang Washington Wizards, 134-106. Bumanat para sa 27 puntos si Devin Booker habang nag-ambag ng 15 si Mikal Bridges para sa kartadang 37-15.

Double-double si Damian Lillard na 27 puntos at 10 assist sa pagwagi ng Portland Trail Blazers sa kulelat ng East Detroit Pistons, 118-103. Hindi malayo ang mga kakamping sina CJ McCollum na may 26 puntos at Enes Kanter na may 24 puntos at 30 rebound.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page