top of page
Search
BULGAR

Drug trafficker na si Veloso, baka bigyan pa ng ‘hero’s welcome’ ‘pag naiuwi na sa ‘Pinas

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov. 27, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

PAINIT NANG PAINIT ANG BANGAYANG DUTERTE AT MARCOS KAYA MALABO NA TALAGA SILANG MAGKASUNDO -- Matapos i-contempt at ipakulong ng Kamara ang chief of staff ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na si Atty. Zuleika Lopez ay sa tindi ng galit ng bise presidente ay pinagmumura at pinagbantaan nitong ‘ipapapatay’ sina Pres. Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez, at siyempre nagalit ang presidente kaya’t sinabi nitong papalagan niya ang banta sa kanila ni VP Sara.


Painit nang painit ang bangayang Duterte vs. Marcos at ang alitan nilang iyan ay pagpapatunay na malabo nang magkasundo o magkabati ang presidente at bise presidente, tsk!


XXX


BUKOD SA KASONG KRIMINAL, MALAMANG KASUHAN NA RIN SI EX-P-DUTERTE NG SEDITION O REBELLION DAHIL SA PANAWAGAN SA MILITAR NA UMAKSYON VS. PBBM -- Nanawagan si ex-P-Duterte sa militar na umaksyon na laban sa Marcos administration dahil ang Presidente raw ngayon ng ‘Pinas ay durugista.


Nakupo, dahil sa panawagan na iyan ni ex-P-Duterte sa militar ay malamang, bukod sa mga kasong kriminal na isasampa sa kanya ng Dept. of Justice (DOJ) na may kaugnayan sa extrajudicial killings (EJK), ay posibleng sampahan din siya ng Marcos admin ng kasong sedition o rebellion, boom!


XXX


DAPAT ANG ASIKASUHIN NI GADON PAANO MAIAHON SA KAHIRAPAN ANG MGA MARALITA AT HINDI DAPAT MAKISAWSAW SA BANGAYANG MARCOS VS. DUTERTE -- Sinabi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon na dapat daw i-impeach na si VP Sara kasi wala na raw ito sa matinong pag-iisip matapos na pagbantaang ‘ipapapatay’ sina PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez.


Hay naku, imbes na ang asikasuhin ni Gadon ay paano maiaahon sa kahirapan ang mga maralitang Pinoy dahil ito ang mandato ng kanyang tanggapan, eh ang inaasikaso ay makisawsaw sa bangayang Duterte vs. Marcos, tsk!


XXX



DRUG TRAFFICKER NA SI MARY JANE VELOSO, BAKA NAMAN BIGYAN PA NG ‘HERO'S WELCOME’ KAPAG NAIUWI SA ‘PINAS -- Ipinagbunyi ng Marcos admin ang pagpayag ng Indonesia sa pakiusap ni PBBM na maiuwi sa ‘Pinas para rito na maikulong si Mary Jane Veloso, ang overseas Filipino worker (OFW) na nahulihan ng bagaheng naglalaman ng cocaine noong year 2010.


Pambihira naman, eh drug trafficking ang kinasangkutang kaso ni Veloso sa Indonesia, tapos nagsisipagbunyi pa ang taga-Malacañang porke pumayag ang Indonesia na rito na sa ‘Pinas ituloy ang sentensya nito.


Baka naman pagdating sa bansa ni Veloso ay bigyan pa ito ng “hero’s welcome” ng Marcos admin, boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page