top of page
Search
BULGAR

Drug trafficker, huli sa drug-bust

News @Balitang Probinsiya | July 12, 2024



Camarines Norte — Isang drug trafficker ang naaresto sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Del Rosario, Mercedes sa lalawigang ito.


Ang suspek ay kinilala ng pulisya sa alyas na “Mike”, nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na bayan.


Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer. 


Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng mahigit 150 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 

EX-MARINE SOLDIER, TIKLO SA BOGA


BACOLOD CITY -- Isang ex-marine soldier ang inaresto ng pulisya nang makumpiskahan ng isang baril kamakalawa sa Sitio Villa Servando, Brgy. Singcang-Airport sa lungsod na ito.

Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan ito ng mga otoridad.


Ayon sa ulat, isang residente sa nasabing barangay ang nakaalitan ng suspek at habang nagtatalo ay ipinakita ng ex-marine soldier ang nakasukbit niyang baril.


Dahil dito, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang residente at inireklamo ang suspek kaya inaresto ang ex-marine soldier na nakumpiskahan ng walang lisensyang baril na kalibre .45 pistola at mga bala. 


Hindi na nanlaban ang suspek nang dakpin siya ng mga otoridad at sa ngayon ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.


 

MANGINGISDA, TEPOK SA KIDLAT


ANTIQUE -- Isang mangingisda ang namatay nang tamaan ng kidlat kamakalawa sa karagatang sakop ng Brgy. Batbatan, Culasi sa lalawigang ito.

Ang biktima ay kinilalang si Giovanni Nacasabug, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Lamputong sa nabanggit na bayan.


Ayon sa ulat, nangingisda sa dagat si Nacasabug nang biglang bumuhos ang ulan at kasunod ang pagkidlat na tumama sa biktima.  


Dahil sa lakas ng boltahe ng kidlat na tumama kay Nacasabug ay agad itong nasawi.

Sa pagsusuri ng mga otoridad ay nabatid na nagkaroon ng 3rd degree burns sa katawan ang biktima na siya nitong ikinamatay.


 

EMPLEYADA, PATAY SA KURYENTE


KALINGA -- Isang empleyada ang namatay nang makuryente kamakalawa sa Brgy. Camalog, Pinukpok sa lalawigang ito.

Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Gina Asbok, 50, kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at nakatira sa Bulanao, Tabuk City sa naturang lalawigan.


Ayon sa ulat, habang pinamamahalaan ni Asbok ang paggawa ng mga kapwa niya kawani ng DENR sa boom barrier ay napahawak ang biktima sa live wire.


Nabatid na sa lakas ng boltahe ng kuryente ay nagtamo ang biktima ng 3rd degree burns sa buong katawan.


Dinala ng kanyang mga kasamahan sa trabaho ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival sa pagamutan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page