top of page
Search

Driver ng SUV na bumundol sa guwardiya ng mall, tukoy na; hearing sa Hunyo 7 — LTO

BULGAR

ni Lolet Abania | June 6, 2022



Nag-isyu na ang Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ngayong Lunes ng umaga ng isang show cause order laban sa driver ng SUV na sangkot sa hit-and-run ng isang guwardiya ng mall sa Mandaluyong City na naganap nitong Linggo ng hapon.


Ito ang kinumpirma ni LTO-NCR Regional Director Atty. Clarence Guinto sa isang radio interview, kung saan aniya, naitakda ang hearing sa Martes, Hunyo 7.


“We scheduled the hearing this week and hopefully the driver and the owner would appear in the hearing. We are, of course, observing due process, ‘yung notice of hearing,” sabi ni Guinto.


Nagpapagaling naman ang biktimang security guard na si Christian Joseph Floralde sa ospital sa Mandaluyong matapos na ma-hit and run ng isang SUV habang nagdi-direct ito ng trapiko.


Unang sinabi ng Mandaluyong Police na isang White Toyota RAV 4 na may plate number NCO 3781 ang sangkot sa insidente ng hit-and-run, na naganap bandang alas-4:00 ng hapon nitong Linggo sa intersection ng Julio Vargas Avenue at St. Francis St. sa Mandaluyong, at subject para sa validation ng LTO.


Hindi naman pinangalanan ni Guinto ang suspek na driver ng SUV dahil aniya sa Data Privacy Law, subalit sinabi niyang isa itong Pilipino. Gayundin, dinedetermina pa ng LTO kung ang driver ay siya ring may-ari ng sasakyan.


Pinasalamatan naman ni Guinto, ang mga netizens na nag-upload ng video ng naturang insidente. Ayon kay Guinto, ang pinakamataas na penalty na maaaring maibigay ng LTO laban sa suspek na driver ay revocation ng driver’s license nito.


“May isang high resolution video cam na na-identify ‘yung plate number so we were able to get the details in our system ng kung sino ang may-ari ng motor vehicle na ‘yun,” sabi ni Guinto.


Ayon naman kay Mandaluyong Police chief Col. Gauvin Unos, ang driver ng SUV na bumundol at sumagasa pa sa guwardiya ng mall, kung saan nakuhanan din ng video ang insidente at nag-viral sa social media ay posibleng sampahan umano ng kasong frustrated murder.


Samantala, sinabi ng partner ni Floralde na si Arceli Flores, nahihirapan umano ang biktima na huminga dahil sa tinamong pinsala sa gitnang bahagi ng kanyang katawan.

Kasalukuyang binigyan ang biktima ng oxygen support, habang nagtamo rin ng mga sugat sa kanyang ulo.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page