top of page
Search
BULGAR

Driver na biktima ng aksidente, ‘di dapat ikulong

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Abril 4, 2024



Hindi pa matiyak kung ano ang kahihinatnan ng panukalang inihain sa Kongreso upang maging patas umano ang mga umiiral na batas-trapiko at hindi na umano makukulong ang driver na wala namang kasalanan sa aksidente.


Layunin ng naturang panukala na desisyunan na agad kung sinuman ang mag-iimbestiga sa isang aksidente at kung sino ang may kasalanan o wala, hindi tulad dati na korte lamang ang magdedetermina nito.


Kung lulusot ang panukalang Philippines Responsible Driving and Accountability Act (House Bill 10128) ay layunin din nitong gawing responsable ang mga nagmamaneho ng sasakyan.


Marami nga namang kaso ng aksidente na karaniwang isinisisi sa driver, kahit na wala talaga siyang kasalanan sa pangyayari, na minsan ay ang mga pedestrian o ibang motorista ang dahilan, pero dahil siya ang may lulan sa mga nasawi at nasugatan ay awtomatiko silang ikinukulong.


Umusad ang panukulang ito matapos na mag-viral sa social media ang video ng isang motorcycle rider na ilegal na pumasok sa Skyway — nag-counter flow at bumangga sa kasalubong na Asian Utility Vehicle (AUV) kamakailan. Kahit malinaw sa video na walang kasalanan ang driver ng AUV ay sinampahan pa rin ito ng reklamo.


Kumbaga, naperhuwisyo na naasunto pa na karaniwang nangyayari sa bansa, kaya marahil ay may punto rin ang nabanggit na panukala upang hindi na makulong pa ang mga driver na binangga na nga, pero dahil namatay ang nagmamaneho ng bumanggang sasakyan, ay siya pa ang ikinulong.


Sabagay, kung makikita naman ng mga kasama natin sa Kongreso ang punto ng naturang panukala ay imposibleng hindi ito katigan para sa kapakanan ng nakararami nating kababayan.


Kaya lamang dahil sa usapin ng legalidad at pagbabago sa batas ay hindi malayong dumaan ito sa maraming katanungan upang matiyak na hindi magdudulot ng anumang komplikasyon sa darating na panahon.


Pansamantala ay relax muna tayo at hayaan nating magtrabaho ang mga kongresista hinggil dito at sana naman ay manaig ang tama tungo sa kapakinabangan ng ating mga kababayan.


Kung hindi palarin dahil sa usaping legal ay huwag naman tayong malungkot, ang mahalaga ay ginagawa ng Kongreso ang kanilang trabaho para sa kapakanan ng taumbayan.


Bilang Unang Representante ng 1-Rider Partylist, positibo ako sa panukalang ito ngunit bilang abogado ay kailangang pagtuunan ng masusing pag-aaral kung makakaapekto ba ito sa kasalukuyang batas na umiiral.


Ang importante ay may pagtutulungan ng bawat isa sa Kongreso, kung magaganda ang panukala at kapaki-pakinabang ay marapat lang na suportahan para sa mamamayan. Isa-isantabi muna ang pulitika at pagtuunan ng pansin ang mga mahahalagang bagay. 

Hindi naman pagalingan sa Kongreso, pagpapakita rito ng pagkakaisa para sa ikagagaan ng buhay ng bawat Pilipino.


Kumbaga, lahat ng anggulo ay tinitingnan at dapat na masusing pag-aralan bago maaprubahan ang nabanggit na batas at ito ay para sa ikabubuti ng lahat.


Sayang kung ang isang napakagandang panukala ay mababasura lang dahil sa pulitika, pero tulad ng sinabi ko, kung hindi naman papalarin ay huwag namang malungkot ang mga nakasuporta sa panukalang ito dahil may proseso tayong sinusunod na dapat manaig.


Basta kung may batas kayong naiisip at sa tingin ninyo ay makatutulong sa ating bansa, huwag kayong magdalawang-isip na makipag-ugnayan sa aming tanggapan at makakaasa kayong pagsisikapan naming makarating ito sa Kongreso.


Kalakip nito ang lahat ng paraan para kayo ay makipag-ugnayan sa aming tanggapan at malaking karangalan na kayo ay aming paglingkuran.


Para sa ikabubuti ng bayan, kasama n’yo ang inyong lingkod.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

تعليقات


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page