ni Lolet Abania | March 20, 2021
Maaari nang magpabakuna ang mga healthcare workers kontra COVID-19 sa pamamagitan ng isang drive-thru site sa Imus, Cavite. Ang vaccination site ay matatagpuan sa isang elevated parking area ng isang mall sa nasabing lugar.
Matatanggap ng mga medical frontliners ang kanilang vaccines na hindi na lalabas pa ng kanilang sasakyan sa buong proseso ng pagbabakuna.
“Mas convenient po like sa amin. Hindi na kailangang bumaba. Tapos ito po, naka-relax lang kami dito,” sabi ni Julie Sañez, isang frontliner.
Ayon kay Imus Mayor Emmanuel Maliksi, matuturukan agad ang isang health worker dahil sa mga drive-thru site. “‘Yun ang beauty ng drive-thru.
Kasi dito sa drive-thru, nasa comfort ka lamang ng sasakyan mo, ‘di ba? Lalapit na mismo ‘yung ating mga medical personnel sa kanila,” ani Maliksi. Gayunman, hindi dapat na mag-drive o siyang driver ng sasakyan ang mga health workers na mababakunahan.
Sakaling magkaroon ng adverse effects matapos maturukan, ang mga pasyente ay agad dadalhin sa pinakamalapit na ospital sa lugar.
Gayundin, kapag ang vaccination program ay umabot na sa target na populasyon, ang mga trike na sakay ang health worker naman ang papayagang pumasok sa mga drive-thru sites.
Sa ngayon, mayroong 344 active cases ng COVID-19 sa nasabing lugar.
תגובות