top of page
Search
BULGAR

Drayber ng hit-and-run incident, inisyuhan na ng lookout order

ni Lolet Abania | June 14, 2022



Nag-isyu na ng isang lookout bulletin order ang Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Immigration (BI) laban sa drayber ng SUV na sumagasa sa isang security guard sa Mandaluyong City noong nakaraang linggo.


Sa isang mensahe sa mga reporters ngayong Martes, sinabi ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na ang lookout bulletin ay kanilang inisyu ng tanghali.


Ipinahayag naman ni Prosecutor General Benedicto Malcontento kaninang umaga na hiniling na ng Mandaluyong Prosecutor’s Office ang isang Immigration lookout order laban sa SUV driver.


Gayundin, sa isang television interview kay Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr., sinabi nitong ni-request na rin nila sa DOJ na mag-isyu ng kahalintulad na order.


“We already requested from DOJ on the immigration bulletin lookout para magkaroon ng hold departure order sa kanya,” paliwanag ni Danao. “It will be coming out very soon para hindi po siya makalabas ng bansa,” dagdag ni Danao.


Matatandaan noong Hunyo 6, ang biktimang sekyu na si Christian Joseph Floralde ay sinagasaan ng isang SUV habang nagmamando ito ng trapiko sa intersection ng Julia Vargas Avenue at St. Francis Street sa Mandaluyong bandang alas-4:00 ng hapon. Unang binundol saka sinagasaan si Floralde ng isang White Toyota RAV5 na may license plate NCO 3781.


Agad na tumakas ang drayber sa pinangyarihang lugar matapos ang insidente sa halip na tulungan ang biktima. Nitong Lunes, ni-revoke na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng sinasabing drayber na si Jose Antonio V. Sanvicente, matapos na bigong magpakita ito sa LTO ng maraming beses sa kabila ng ibinabang show cause orders dito.


Ayon kay Guevarra, isang reklamo na rin ang inihain laban sa drayber para sa frustrated murder at paglabag sa Article 275 ng Revised Penal Code.


Batay sa nakasaad sa Article 275, “the penalty of arresto mayor will be imposed upon those who fail to render assistance to those who he has accidentally wounded or injured, among others.” Sinabi naman ni Danao na base sa kanilang latest monitoring, si Sanvicente ay hindi pa nakakalabas ng bansa.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page