ni Fely Ng - @Bulgarific | November 10, 2022
Hello, Bulgarians! Isang masuwerteng tricycle driver mula sa Guiguinto, Bulacan ang bumiyahe patungo sa PCSO Main Office, Shaw Boulevard, Mandaluyong City upang kubrahin ang tumataginting na P188,471,378.80 jackpot prize ng Super Lotto 6/49 matapos niyang matumbukan ang mga numerong 09-03-19-13-20-29 na binola noong Linggo, ika-23 ng Oktubre 2022 sa nabanggit na opisina.
Batay sa salaysay ng masuwerteng drayber, mahigit 20-taon na siyang tumataya sa Lotto at “alaga” di umano ang mga nabanggit na numero. Ayon din sa kanya, ang mga kombinasyon ay mula sa araw ng kapanganakan at kamatayan ng kanyang biyenan na nakaukit sa puntod nito.
“Matagal ko nang inaalagaan ang mga numerong ito. Madalas, tumataya ako kapag alam kong malaki na ang jackpot prize. Kaya sa pagkakataong ito, labis po ang aking tuwa kasi mababago na ang buhay namin.”
Nang tanungin kung saan niya gagamitin ang nakubrang premyo, “Sa ngayon wala pa akong plano pero kalaunan, gagamitin namin ito sa tama at hindi kami makakalimot magbahagi. Maraming salamat PCSO.”
“Alam kong hindi lang ako ang nakatanggap ng ganitong biyaya ngayon, maging ang mga taong patuloy ninyong natutulungan sa pamamagitan ng iba’t ibang programang pangkawanggawa.”, dagdag niya.
Bilang pagsunod sa RA 1169, ang mga nagwagi ay binibigyan ng isang taong palugit mula sa araw ng bola upang kunin ang premyo.
Para makubra ang napanalunang premyo, marapat na isulat nang malinaw ang pangalan at lagdaan ang likod na bahagi ng nanalong tiket bago magtungo sa lotto outlet o sa tanggapan ng PCSO at magdala ng dalawang valid government IDs.
Pinaaalalahanan ang lahat ng nananalo na may kaakibat na 20 percent tax ang napanalunang jackpot prize alinsunod sa TRAIN LAW.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
ความคิดเห็น