by Info @Editorial | Feb. 17, 2025

Uusad na ang hirit na taas-pasahe sa jeepney.
Ito ay matapos ianunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpapatawag ito ng pagdinig sa Pebrero 19 para talakayin ang petisyong P15 minimum pasahe sa jeep.
Matatandaang noong Oktubre 2023 inaprubahan ng LTFRB ang P1 na pansamantalang pagtaas sa minimum na pasahe para sa mga jeep kung saan mula P12 hanggang P13 para sa mga traditional jeep at P14 hanggang P15 naman sa modern jeep.
Pinag-aaralan na umano ng LTFRB ang petisyon para dagdagan ang minimum fare dahil sa petisyon ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon.
Kaugnay nito, umaasa tayo na titimbanging maigi ng LTFRB ang petisyon sa dagdag-pasahe batay sa presyo ng petrolyo, inflation at ikukonsidera rin ang kapakanan ng mga pasahero.
Sa hirap ng buhay, batid naman natin na pare-parehong naghihigpit ng sinturon kaya panawagan naman sa gobyerno at sa mga papasok na opisyal, sana’y mas pagbutihin pa ang pamamalakad para lahat, umaangat.
Comments