ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 08, 2022
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dragon ngayong 2022.
Kung ikaw ay isinilang noong 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000 at 2012, ikaw ay mapabibilang sa animal sign Dragon.
Sinasabing minsan ay makakatagpo ka talaga ng Dragon na walang ginagawa o tatamad-tamad.
Ngunit dapat maisip ng Dragon na hindi ‘yun ang nakatadhana sa kanya, sapagkat ang Dragon ay hindi dapat tutulog-tulog sa kanyang lungga. Sa halip, dapat siyang bumangon at suungin ang iba’t ibang aktibidad at pagsubok ng buhay. Sa ganu’ng paraan, ‘pag maraming ginagawa, higit na magiging matagumpay at maligaya ang Dragon.
Ang nagiging problema lang sa Dragon na maraming ginagawa, kadalasan ay nakakalimutan niyang mag-concentrate sa iisang gawain lamang. Dahil dito, hindi ganap na nagtatagumpay at nasisiyahan. Pero kung matututunan ng Dragon na magpokus sa iisang tumbok na gawain sa takdang panahon, siya ay uunlad hanggang sa tuloy-tuloy na yayaman.
Sa panahon naman ng mga pagsubok at kabiguan, ang Dragon ay napakatatag kung saan kahit siya ay “down na down”, tiyak na siya ay hindi mananatili sa sitwasyong siya ay bigo at luhaan. Dahil siguradong ang Dragon ay muling babangon at mas maraming suwerte at surpresang mga tagumpay ang walang kahirap-hirap na ipagkakaloob sa kanya ng langit.
Samantala, sa pakikisamalumuha sa kapwa at pakikipagrelasyon, ang mga Dragon ay likas na malakas ang karisma, kaya palaging maraming kaibigan ang kanyang nahahatak na makikitang nakapaligid sa kanya. Gayunman, marami ring lihim na tagahanga at may mga lihim na naiingit sa makisig o matikas na Dragon, kaya nagkakaroon din siya ng mga lihim na kaaway.
Ang nakatutuwa, hindi alam ng Dragon na malakas ang kanyang magnetismo sa kanyang kapwa,
lalo na sa opposite sex, kaya tila binabalewala lang niya ang kanyang mga tagahanga nang hindi sinasadya.
Sa pag-ibig, sinasabing maagang nai-in love ang Dragon, kaya kadalasan, sa murang edad pa lamang, may mga Dragon na nakapag-aasawa agad, at ito ang nagiging dahilan ng maaga niyang mga pagsubok sa buhay. Ngunit dahil maagang nakapag-asawa at maaga ring sinubok ng kapalaran sa aspetong pagpapamilya at pinansiyal, pagkatapos ng mga pagsubok na ito, malalaking tagumpay naman ang darating.
Kapag ang Dragon naman ay matagal magkaroon ng karelasyon, kadalasan ay tuluyan silang tumatandang binata o dalaga. Kaya ang pinakatamang dapat gawin, kapag nasa hustong edad na ang Dragon at may karelasyon naman siya, mas maganda kung mag-aasawa na siya agad upang mas madaling umunlad at lumigaya ang itatayo niyang pamilya.
Dagdag pa rito, ‘pag nakuha mo ang loob ng Dragon, habambuhay na siyang magiging tapat sa iyo. Isa lang ang magiging pagkakamali mo sa kanya, kapag nakita niyang ang taong sobrang minahal at pinagkatiwalaan niya ay hindi pala karapat-dapat sa ganu’ng pagsamba, guguho ang mundo ng Dragon. Kapag nangyari ‘yun, hindi na muling makikipagrelasyon ang Dragon kahit kailan dahil binigo siya ng babae o lalaking labis niyang sinamba, ganu’n katindi umibig ang Dragon.
Samantala, compatible at suwetong-suweto namang kapareha ng Dragon ang tuso at matalinong Unggoy dahil hangang-hanga ang Dragon sa katalinuhang ipinamamalas ng Unggoy kapag sila ay magkasama. Gustong-gusto rin ng Dragon ang ambisyoso at matagumpay sa career na Daga, habang ang Daga ay mahahalina naman sa likas na magnetismo at kakaibang karisma ng Dragon.
Tugma rin sa Dragon ang praktikal at eleganteng Ahas, kung saan tuturuan naman ng Ahas ang Dragon na mas maging romantiko at higit na maging mapagmahal, kaya naman ang pagsasama ng Dragon at Ahas ay magiging masarap at habambuhay na magiging maligaya.
Itutuloy
Comments