top of page
Search
BULGAR

Dragon, pinakamapalad sa 12 Animal Signs

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Enero 27, 2024


Ngayong alam n’yo na ang pagkakapareho at pagkakaiba ng Western at Chinese Astrology. Simulan na nating talakayin ang pangunahing ugali at kapalaran ng 12 animal signs. Unahin na natin ang Dragon na siya ring iiral ngayong taon.


Ang Dragon ay silang isinilang noong taong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012, 2024 at 2036.Ang Dragon ay siya ring Aries sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Mars. Ang mapalad na oras ng mga Dragon ay mula alas-7 hanggang alas-9:00 ng umaga. Habang ang kanilang masuwerteng direksyon ay ang east o ang silangan at east-southeast o timog silangan.Kadalasan, tinatawag din ang Dragon bilang “anak ng kapalaran” dahil sa 12 animal signs na pinatawag ni Lord Buddha, ang Dragon ay itinuturing din na pinakamakapangyarihan, pinakamasuwerte at pinakamapalad.


Kung saan, may mga kapalaran ng nakatakda sa kanila. Bukod sa mapalad at makapangyarihan, nagtataglay din ang Dragon ng kakaibang suwerte na wala sa ibang animal signs, lalo na kung siya’y nagsusuot ng mapalad niyang kulay na red o pula.


Kabilang sa mga suwerte ay ang kanilang pagiging lider ng mga organisasyon, samahan, lalawigan o bansa at sa pinakarurok ng kanilang pamumuno sila rin ay nagiging isang diktador o emperor ng isang maunlad at dambuhalang kaharian.


Dagdag dito ang pagiging matapang at makapangyarihan ay likas din sa isang Dragon at ang katapangang ito ang kadalasang nagiging puhunan upang sila’y manaig at magtagumpay sa kanilang buhay.


Likas ding malakas ang kanilang intuition, kung kaya’t sa oras ng panganib agad nilang nasasagap ang mga kaganapan, dahil dito maaga nilang nasosolusyunan ang anumang problema dumarating sa kanilang buhay.


Kapag may gusto namang luminlang o manloko sa isang Dragon agad din niya itong nararamdaman,  kung kaya’t sinuman ang kahina-hinalang manlalamang o manlilinlang sa isang Dragon, ito ay tiyak na hindi magtatagumpay dahil sa taglay na talas ng intuition o pakiramdam ng isang Dragon.At dahil nga makapangyarihan ang Dragon, noong unang panahon ay madaming magkasintahan sa bansang China na nagmamadaling magpakasal sa panahon ng Rabbit upang tiyak na magkakaroon ng isang anak na isinilang sa Year of the Dragon.


Manatili kayong nakasubaybay sa Forecast 2024, na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan tungkol sa inyong kapalaran. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin at magtamo ng mga biyaya sa buong taon ng Year of the Green Wood Dragon.

Itutuloy… 

 



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page