top of page
Search
BULGAR

Isinilang sa year of the dragon, minsan lang magtiwala at mainlab pero panghabambuhay na

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 14, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga pangunahing katangian at kapalaran ng animal sign na Dragon ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Dragon ay silang mga isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024.


Sa pag-ibig at emosyon, bihira sa mga Dragon ang nagtatago ng damdamin, sa halip, sila ay matatawag na “Si totoo lang”. Kaya kung napusuan ka ng Dragon, walang pagkukunwari o totoong-totoo ang nadarama niya sa iyo. Ang problema lamang, hindi rin naiiwasan ng Dragon ang magpabago-bago ng isip at damdamin, na nagiging dahilan kaya gumugulo at nauusyami ang masayang love life na nakatakda nilang maranasan.


Samantala, sa kabila ng pagiging tahimik at mapag-isa ng mga Dragon, sa mura nilang edad, kadalasan ay nai-in love agad sia, kaya hindi pipigilin ang matinding udyok ng bugso ng damdamin at may posibilidad na maaga silang makapag-asawa.


Ang isa pang totoo sa ugali ng Dragon, kapag umibig sila ay minsan lang, kaya kung hindi nila makakatuluyan ang kanilang first love, mas malamang na buruhin na lang nila ang kanilang sarili, hanggang sa tumandang binata o dalaga at mamuhay nang mag-isa habambuhay.


Dagdag pa rito, minsan lang din silang magtampo o magalit sa kanilang minamahal, subalit ang minsang ito ay maaaring pangmatagalan o panghabambuhay na. Kaya kapag nagkasala ka sa isang Dragon, malamang na hindi na niya ito makalimutan kailanman at kung sakaling patawarin ka niya, malabo nang bumalik pa ang pagtitiwala niya sa iyo.


Samantala, iba rin kung mangarap ang isang Dragon, dahil bagama’t malayo sa katotohanan kung titingnan ng ibang tao, ang matataas at kakaibang pangarap na ito ng mga Dragon, at kahit sabihin pang kasingtaas ng kastilong buhangin, nakapagtatakang nagagawa nila itong maisakatuparan, hangga’t ang kanyang magiging kapareha o partner sa buhay ay maniniwala sa kanya. ‘Yun lang ang kailangan ng Dragon — ang maniwala sa kanya ang kanyang minamahal na ang lahat ng bagay, kahit imposible ay siguradong magagawa at maipatutupad ng makapangyarihang Dragon.


Sa pakikipagrelasyon at pakikisalamuha sa kapwa, gusto-gusto ng Dragon na siya ay napapakinabangan o palagi siyang tumutulong. Halimbawa, nag-team building o namasyal ang barkada ngayong summer vacation, siguradong isa ang Dragon sa aligagang naghahanda ng pananghalian habang ang kanyang mga kasama ay nagsu-swimming na sa dagat.


Kaya kapag nakuha mo ang loob ng isang Dragon, tulad ng nasabi na, mapagkalinga at mapagmahal siya. At dahil minsan lang siya magmahal, magtiwala at makipagkaibigan, ang minsang ito ay seryoso, totoo at todong-todo na. Gayunman, kapag nabigo ang Dragon, halimbawa ay binigo ng kaibigan, mangingibig o tadhana, tiyak na siya ay malulungkot nang sobra at maaaring hindi na makapag-move on. At kung sakali mang iibig muli, hindi na kailanman magiging maligaya ang Dragon na minsan nang nabigo.


Samantala, tugma naman sa Dragon ang tuso, mapang-akit at matalinong Unggoy. Kapwa naman magiging masaya at mabunga ang relasyong Dragon at Daga. Maging sobrang close naman sa isa’t isa at habambuhay na magiging magkaibigan ang Ahas at ang Dragon. Hindi naman tugma ang Dragon at Aso, ganundin ang Baka at Dragon, habang ang relasyong Dragon at Dragon ay may pangako rin ng maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagsasama.


Itutuloy


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page