ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 30, 2023
Nakikiisa tayo ngayong araw na ito sa paggunita sa ika-127 anibersaryo ng pagkamatay ng ating dakilang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Ang kanyang buhay at mga obra ay nagpaalab sa pagiging makabayan ng ating mga ninuno noong panahon ng himagsikan. Bukod sa pagiging manunulat at makata, isa rin siyang doktor, siyentipiko at bihasa sa iba’t ibang wika.
Hindi lang sa ating bansa kilala ang bayaning si Rizal. Noong isang taon, naging kinatawan tayo ng Senado para sa paglulunsad ng ceremonial plaque bilang paggunita sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng ugnayang pandiplomatiko ng Pilipinas at ng Espanya na ginanap sa Jose Rizal Monument, Avenida de las Islas Filipinas sa Madrid, Spain. Tinatayang mayroon siyang halos 30 markers sa buong mundo. Itinayo ang mga ito bilang pagkilala at pag-alala sa mga naging kontribusyon niya sa ating bansa, sa kulturang Pilipino, at maging sa buong mundo.
Alalahanin at magbigay-pugay tayo sa ating bayaning si Dr. Jose Rizal na ang mga paniniwala at adbokasiya ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa ating mga kababayan mula noon hanggang ngayon.
Malaki ang naging kontribusyon niya sa ating lipunan lalo na ang kanyang mga akda na ang mga kuwento ay nakasentro sa pagtatanggol sa karapatan at kalayaan ng bawat tao. Naging mitsa iyon upang mabuhay sa dibdib ng iba pa nating mga bayani ang pagnanais na maging isang malayang bansa ang Pilipinas noong panahon ng himagsikan. Pinatunayan niya na ang panunulat at salita ay kasing talim ng anumang sandata sa pakikipaglaban para sa karapatan ng bawat tao.
Tulad ng nakararami nating kababayan, ang mapayapang pamamaraan ni Dr. Jose Rizal kung paano mapapangalagaan ang karapatan ng mga Pilipino ang naging inspirasyon ko sa patuloy na paghahatid ng serbisyo sa publiko sa abot ng aking makakaya at kapasidad, lalo na sa mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Kaya naman kahit holiday season ay hindi tayo tumitigil sa pag-alalay sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Noong December 28 ay personal nating binisita at hinatiran ng tulong ang 361 residente ng Brgy. Leon Garcia, Agdao, Davao City na naging biktima ng sunog kamakailan.
Nagpapasalamat naman tayo sa ipinagkaloob sa atin na Dangal ng Bayan Award mula sa Gawad Pilipino 2023: Duyan ka Ng Magiting. Para sa atin, may award man o wala ay patuloy tayo sa pagseserbisyo sa bawat Pilipino.
Nakarating din ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong. Naayudahan natin ang 18 residente ng Brgy. Vicente Duterte, Agdao, Davao City na naging biktima ng sunog kamakailan. Nagbigay rin tayo ng dagdag na tulong sa 600 TESDA graduates sa Cabanatuan City, Nueva Ecija katuwang ang Philippine Academy of Technical Studies, Inc.
Tinulungan din natin ang mga nawalan ng hanapbuhay. Sa Batangas City, at kabilang sa naayudahan ang 84 residente katuwang si former Brgy. Capt. Emma Tumambing, at 50 pa katuwang naman si Board Member Arthur Blanco; habang 169 naman sa Lemery at Tanauan City kasama si Board Member Alfredo Corona. Sa Zambales, naalalayan natin ang 177 sa Botolan kasama si Board Member Sam Ablola, at 177 din sa Iba, katuwang naman si Governor Hermogenes Ebdane, Jr. May 177 ding mula sa Sta. Cruz, Laguna ang nakatanggap ng tulong kasama si Congresswoman Jam Agarao. Sa Antique, naabutan din ng tulong ang 180 sa San Remigio kasama si Mayor Mar Mission, at 180 rin sa Sibalom katuwang si Vice Governor Ed Denosta. May 192 ring natulungan sa Talisay City, Cebu katuwang si Vice Mayor Choy Aznar. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay binigyan din ng Department of Labor and Employment ng pansamantalang trabaho.
May 155 din tayong kababayan sa Sta. Cruz, Laguna na nakatanggap ng tulong mula sa atin dagdag pa sa livelihood kits mula sa Department of Trade and Industry.
Noong December 29, bumisita rin ang aking Malasakit Team sa Boston, Davao Oriental upang magsagawa ng inspection sa itinatayong Super Health Center. Matapos nito ay namahagi rin tayo ng tulong sa ilang mga kababayan nating naapektuhan ng Typhoon Kabayan.
Sa darating na Bagong Taon, gawin nating tanglaw ang ating dakilang bayaning si Dr. Jose Rizal na sumisimbolo sa kabayanihan, pagmamalasakit, at pagmamahal sa bayan upang mabigyan ang ating mga kababayan ng panibagong pag-asa sa harap ng anumang pagsubok.
Kilalanin din natin ang kabayanihan ng bawat isa na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya, nagseserbisyo sa kanilang kapwa tao, at patuloy na nagmamahal at nagmamalasakit sa ating bansa tungo sa mas ligtas at komportableng buhay para sa bawat Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments