ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 14, 2024
Pormal na naghain ng asunto ang transport group na MANIBELA laban sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng pagbawi ng prangkisa sa mga unconsolidated public utility vehicles (PUVs).
Sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman, sinabi ni Manibela president Mar Valbuena na nilabag ng mga opisyal ang Constitution at ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa pagsusulong ng PUV Modernization Program.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso sina DOTr Secretary Jaime Bautista, Office of Transport Cooperatives (OTC) Chairperson Ferdinand Ortega, at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III at ang kanyang board member na sina Engineer Liza Marie Paches, Atty. Mercy Jane Paras Leynes at Atty. Robert Peig.
Kasama rin si Solicitor General Menardo Guevarra sa inireklamo ng Manibela dahil ipinagtatanggol umano nito ang mga opisyal ng DOTr sa halip na sabihan silang sumunod sa Konstitusyon.
Sa kabila ng isinagawang konsultasyon ng DOTr at LTFRB sa hanay ng apektadong PUV drivers at operator at kasama pa rin sila sa mga mahaharap sa asunto.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2023-051, ang mga PUV holders at driver ay kinakailangang magsama-sama sa mga kooperatiba upang hindi awtomatikong mabawi ang kanilang prangkisa pagsapit ng Disyembre 31, 2023.
At kung ang mga unconsolidated na PUV unit na ito ay magpumilit na bumiyahe at kukuha ng mga pasahero, ay tiyak na sila ay aarestuhin ng ahensya.
Giit ng grupo, ang transport modernization ay malinaw na pagpabor lamang sa mga imported na modern jeepney sa halip na sa mga lokal na manufacturers.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng DOTr at iba pang nabanggit na opisyal sa inihaing reklamo ng transport group sa Ombudsman.
Nakakalungkot ang naging hakbang na ito ng ilang transport group ngunit mas mabuti nang sa korte na nila pag-usapan ang mga problema na ilang panahon na rin tayong inaabala.
Ang hiling lang natin, sana ay matapos na ang lahat ng ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
תגובות