ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 23, 2024
Inudyok ni Department of Transportation (DOTr) Command and Control Operations Center chief Charlie Del Rosario, ang publiko ngayong Martes na magkaroon ng "paradigm shift" at gumamit ng pampasaherong transportasyon sa halip na pribadong sasakyan upang maiwasan ang mabigat na trapiko.
“We encourage po ‘yung paggamit ng mass transportation dito na rin po sa Kamaynilaan dahil nga po alam naman po natin na napakarami po ng ating motor vehicle sa lansangan, private vehicles po ‘yan,” pahayag ni del Rosario sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon.
Sinabi sa traffic index ng TomTom International BV, isang location technology company, na nanguna ang Metro Manila sa 387 na mga lungsod sa buong mundo na iniranggo batay sa trapiko sa metro area.
Binigyang-diin din ni Del Rosario ang mga pangunahing proyektong pangtransportasyon ng gobyerno tulad ng Metro Manila subway at MRT-4 extension, na pinaniniwalaang makakatulong na bawasan ang paggamit ng pribadong sasakyan.
Gayunpaman, kinikilala niya na hindi madaling abutin ang kanilang obhektibo.
“Ongoing pa rin po at tuloy-tuloy ‘yung ating subway [project], so we are looking at the possibility—kasi hindi naman po natin magagawa ito ng isang upuan lamang, it will take some time—so ‘yung mga proyektong ‘yan ay tuloy-tuloy po na pinamumunuan ng Kagawaran ng Transportasyon,” sabi ni Del Rosario.
“We just have to have that paradigm shift: ‘yung pagbabago ng kaisipan na imbis po na gumamit ng private vehicle natin, gumamit po tayo ng mass transportation,” dagdag niya.
Comments