ni Mai Ancheta @News | Mar. 22, 2025

Photo File: Vince Dizon at NLEX Toll - DOTr / NLEX Corp
Iginiit ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon sa North Luzon Expressway (NLEX) na suspendihin muna ang pangongolekta ng toll fee sa Marilao segment dahil sa ginagawang pagkumpuni sa tulay na napinsala sa isang aksidente.
Ayon kay Dizon, dapat hindi muna mangolekta ng toll fee habang ginagawa ang tulay dahil sa aberyang nararanasan ng mga motorista.
Habang hindi aniya maayos ang serbisyo, dapat walang kokolektahin sa mga motorista dahil ang serbisyo ng NLEX ang binabayaran ng mga publiko.
Bukod dito, sinabi ni Dizon na dapat matapos sa loob lamang ng isang linggo ang ginagawang pagkumpuni at hindi dalawa hanggang tatlong linggo dahil hindi ito katanggap-tanggap sa mga motorista.
Wala pang katugunan ang NLEX management sa demand ni Dizon.
Matatandaang nasira ang interchange bridge sa Marilao nang masabit ang isang trak at mapinsala ang istruktura kaya isinara pansamantala ang ilang linya na nagresulta sa matinding trapik.
Comments