top of page
Search
BULGAR

DOTr, inutusan na gawing legal ang motorcycle taxi

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 5, 2024


Noong nakaraang linggo ay maraming rider ang naalarma makaraang mabalitang nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (P-BBM) ang pamunuan ng Grab Holdings Inc. kasama ang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) sa pag- aakalang may ibang agenda na niluluto na posibleng makaapekto sa taxi industry sa bansa.


Para maibsan ang iniisip ng ilan sa mga lumahok sa isinagawang pilot study para sa mga motorcycle taxi sa bansa ay sinikap nating alamin kung ano ang naganap sa naturang pagpupulong.


Inatasan pala ni P-BBM ang DOTr na pag-aralan ang mungkahing gawing legal ang motorcycle taxi sa bansa.


Ito ang naging kabuuan sa ginanap na pakikipagpulong sa Pangulo sa Malacañang ng mga opisyal ng Grab Holdings Inc. sa pangunguna ng chief executive officer nito na si Anthony Tan, kasama ang mga opisyal ng DOTr at pinag-usapan ang mga inisyatiba para sa dagdag na oportunidad sa bansa at kung paano sila makatutulong sa progreso at maresolbahan ang problema sa kalsada.


Inihayag ni Tan ang interes ng kanyang kumpanya na palawakin ang negosyo sa Pilipinas kasama na rito ang paggamit ng electronic vehicles sa Grab services at public transport services, gayundin, ang pagnanais na ibahagi ang best practices nila na ipinapatupad sa ibang mga bansa na talaga namang ang iba rito ay lubhang nakamamangha.


Ayon sa Presidential Communication Office, kabilang sa mga pinag-usapan ang hirit ng Grab na luwagan ang regulasyon sa transport network vehicle service o TNVS.


Nais ng Pangulo na pag-aralan ng DOTr ang posibleng epekto ng kahilingan ng Grab at magsumite ng report at rekomendasyon hinggil dito. Pinag-usapan kung ano ang advantages at disadvantages sa mga iminungkahi ng Grab.


Plano ng Grab Philippines na palawakin ang kanilang operasyon sa 10 lungsod at mga bayan. Sa kasalukuyan ay mayroong tinatayang 40,000 drivers na nakarehistro sa Grab TNVS, 30,000 dito ay bumibiyahe sa Metro Manila, samantalang ang iba rito ay sa mga karatig bayan at lungsod ng Metropolis.


Sakaling aksyunan ng DOTr ang kautusan ni P-BBM ay tiyak na karagdagang trabaho at oportunidad ang naghihintay sa marami nating kababayan at kasunod nito ay magkakaroon na ng mga panuntunan na paiiralin para sa kaligtasan hindi lamang ng mga rider kundi ng mga pasahero.


Hindi na talaga maaawat ang pagdami ng mga rider sa bansa, kaya napapanahon na talaga na isaayos na lamang ang sistema upang tuluy-tuloy na makatulong sa pag-unlad ng bansa ang naglipanang mga rider.

Tanggapin na nating lahat na kailangang-kailangan na ang serbisyo ng motorsiklo sa bansa hindi lamang sa mga pasahero kundi maging ng maraming tanggapan sa bansa para mapabilis ang transaksyon ng mga opisina patungo sa ibang opisina at ang paghatid ng kanilang mga communication at mga dokumento sa pamamagitan ng motorsiklo ay isang progresibong pamamaraan.


Sa bilis ng mga transaksyon sa panahong ito dahil sa tulong ng teknolohiya ay mas makakasabay ang pagbibigay ng serbisyo gamit ang motorsiklo.


Sana lang ay hindi maipit ang mga rider sa iringan at hidwaan ng mga kumpanya ng mga motorcycle taxi para hindi na gumulo pa ang sitwasyon – ang mahalaga ay everybody happy. Sayang ang industriyang ito kung magugulo lamang ng iilan. Mas mabuting sa serbisyo tayo magpagalingan upang makita ng publiko kung sino ang mas dapat tangkilikin at hindi tamang hindi pa nag-uumpisa ay nagbabasagan na ang mga kumpanya ng motorcycle taxi na ito.


Bigyan lahat ng pagkakataon at hayaan nating ang mga pasahero ang mamili kung sino ang nais nilang tangkilikin.


Ang mahalaga ay payag na ang gobyerno na gawing legal ang motorcycle taxi na matagal na namang pangarap ng ating mga kababayan. Kung paano tayo nagbibigayan sa kalye, sana ganoon din tayo magbigayan sa pagkakataon para lahat ay kumita at mabuhay nang maayos. Ang pagtuunan natin ng pansin sa ngayon mga ‘kagulong’ ay kung paano natin pagbubutihin pa ang maingat na pagmamaneho upang makapaghatid tayo ng magandang serbisyo sa publiko.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page