ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 18, 2023
Hindi natin alam kung saan kumukuha ng lakas ng loob ang Department of Transportation (DOTr) sa tuwing haharap sila sa mga pagpupulong kung saan inuulan sila ng mga tanong at kahilingang magpaliwanag hinggil sa kakapusan ng driver’s license sa bansa.
Muling nasalang sa kabi-kabilang kuwestyon ang DOTr nang humarap sila sa pagdinig ng House Committee on Transportation, kung saan pinagdudahan ng ilang mambabatas ang kanilang intensyon sa pakikialam sa procurement ng Land Transportation Office (LTO) sa pagbili ng lisensya ng driver.
Tahasang kinuwestyon ng ilang miyembro ng Kamara de Representantes ang ginawang paglabag ng DOTr sa 2023 General Appropriations Act (GAA) dahil sa muli umanong pagsulot sa LTO sa implementasyon ng malalaking proyekto tulad ng plastic card para sa driver’s license.
Ibinulgar ng LTO na noong Disyembre ay nagsimula na umano silang magproseso ng karagdagang limang milyong plastic card na nagkakahalaga ng P249 milyon, ngunit sapilitan umanong inagaw ng DOTr.
Walang nagawa ang LTO dahil mas mataas umano ang posisyon ng DOTr at gamit ang Special Order (SO), kinuha ng DOTr sa LTO ang pamamahala sa procurement, na ayon naman sa LTO, hindi sana hahantong sa kakapusan ng plastic card ng driver’s license kung hindi nakialam ang DOTr.
Sa Hunyo o Hulyo, paubos na rin ang plate number para sa mga sasakyan, lalo na sa motorsiklo, gayung hindi pa natin nareresolba ang backlog ng plaka noong 2016, kaya hiningan natin ng paliwanag ang DOTr hinggil dito.
Hindi lang naman ito ngayon nangyari, dahil ang DOTr din ang nadidiin sa nagdaang backlog dahil kinuha nila ang pamamahala sa procurement para sa P4.7 bilyong budget na pambili sana ng plaka at ngayon ay muling naulit, kaya halatang-halata ang DOTr.
Ang masaklap, nadadamay ngayon ang LTO dahil sa pagkukulang ng DOTr, na dapat sa pagharap nila sa mga kaanib ng Kamara o interview ay inaamin nila na sila ang may problema at hindi ang LTO.
Kaya kung anu-anong paraan na lamang ang ginawa ng LTO para pagtakpan ang isyu hinggil sa kakulangan ng plaka, pero ang DOTr ay tuluy-tuloy pa rin sa paglalabas ng paliwanag na tila walang nangyari.
Noong tinalakay ang 2023 national budget, alam ng buong Kongreso na ang LTO ang magpapatupad ng mga proyekto at hindi ang DOTr, kaya inaprubahan nila ang pondo para r’yan kaya kuwestyonable talaga ang panghihimasok ng DOTr.
Noong nakarang linggo, tahasang pinalalayas ni Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile ang mga opisyal ng LTO dahil sa isyu ng kakulangan ng supply ng plastic card para sa driver’s license.
Sa kanyang programa, sinabi ni Enrile na kumunot umano ang noo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang mabalitaang may malaking problema sa kakapusan ng driver’s license.
Ayon kay Enrile, malinaw na may kapabayaan hinggil sa problema sa driver’s license dahil hindi umano nila ginampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at karamihan ay pabigat lamang umano sa Pangulo.
Dahil dito, tahasang pinalalayas sa puwesto ni Enrile ang mga opisyal sa LTO, ngunit mas dapat unahin ang mga opisyal ng Land Transportation ang Franchising Regulatory (LTFRB) na silang ugat ng lahat ng problemang ito.
Mabigat ang panawagan na ito ni Enrile, ngunit wala tayong magagawa dahil personal niya itong opinyon at nakita niya kung paano nainis ang Pangulo sa kanilang pagpupulong.
Habang lumilipas ang araw, painit nang painit ang sitwasyon ng DOTr, dumarami ang nagagalit at nagdadasal na mapalitan na sila sa kanilang puwesto — sana lang, hangga’t may natitira pa sa kanilang ‘lakas sa pagkakakapit’ ay resolbahin nila ang problema bago pa mahuli ang lahat.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments