PUV modernization stop muna, kung ayaw maharang ang budget, period!
ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 9, 2020
Matatapos na lang ang taon, marami pa ring mga kababayan nating jeepney driver ang namamalimos sa mga kalsada dahil sa hindi makapasada dulot ng COVID-19 pandemic. ‘Kaloka!
Masakit sa feelings na makita sila sa ganung sitwasyon gayung makailang beses nang nagpalabas ng badyet ang ating pamahalaan para maambunan din sila ng ayuda lalo na noong kasagsagan ng mga lockdown. And’yan ang Bayanihan 1 at sumunod pa ang Bayanihan 2. Aba, anyare?
Super-nakakapikon malaman sa mga grupo ng mga jeepney driver na nasa gitna pa tayo ng pandemya, wala na nga silang makain, hindi pa makapasada. Ang masaklap, pinipilit pa raw sila sa PUV modernization program at meron nang ginagawang consolidation ang LTFRB? ‘Santisima!
Bukod d’yan, bakit ba puro bus lang ang pinagbigyan na makapasada? Keri ba naman nila lahat ng mga komyuter na serbisyuhan? Saka pambihira, sa maiiksing ruta rin inilagay ang mga bus? Hello, eh, sandamakmak na mga pasahero pawang nasa main road!
Kung pag-uusapan ang safety sa laban natin sa COVID-19, ayon sa mga doktor, mas safe pa nga sumakay sa jeep kasi open ito at nakalalabas ang virus. Samantalang sa mga de-aircon, kulob at nagpapaikut-ikot lang ang hangin na posibleng may virus, ‘di ba?!
Sa gitna ng ganitong super-kawawa nilang kalagayan, ang immediate na IMEEsolusyon natin ay basic na basic. Kahit paano, nagpamudmod tayo ng mga bigas sa abang kababayan nating mga jeepney driver na kabilang sa PASANG MASDA, FEJODAP, ALTODAP, LTOP, STOP & GO Transport Coalition, ACTO at pati na rin sa Dapitan Drivers and Operators Jeepney Association at mga pumapasada sa UP Campus.
Bukod pa riyan, ihihirit natin na ipagpaliban muna ang hindi abot-kayang modernisasyon na ‘yan. Plis lang!
IMEEsolusyon din para maibsan ang kanilang gutom kahit pambigas lang muna, eh, ihirit natin sa DOTr, MMDA na pagbigyan na silang pumasada sa mga main road, hindi sa maiigsing ruta lang!
Harinawa’y pakinggan ang kanilang hiling na pagpasada, pero kung magmatigas, bahala kayo. I will make harang your budget!
Comments