top of page
Search
BULGAR

Dos and don’ts sa paglilipat ng bahay

ni Mharose Almirañez | August 11, 2022




“Welcome home!” ‘Ika nga. Pero paano nga ba tayo magiging truly welcome sa ating bagong bahay nang walang nagiging aberya?


Bilang gabay sa inyong paglilipat-bahay, narito ang ilang bagay na dapat tandaan:


1. UNAHING IPASOK ANG BIGAS, ASUKAL AT ASIN. Ang mga nabanggit ang unang-unang ipapasok sa pinto bago isunod ang iba pang kagamitan. Isa ito sa pinakapamilyar na kaugalian ng mga Pinoy sa tuwing maglilipat ng bahay dahil anila, magkakasunod na blessings ang papasok sa inyong tahanan kapag isinagawa ito. Kumbaga, hindi rin kayo mauubusan ng bigas, asukal at asin na mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay.


2. MAGPA-HOUSE BLESSING. Mag-imbita ng Pari na magbebendisyon sa inyong bahay. Napakalaking tulong ng Holy Water at dasal upang mapaalis ang masasamang espiritu na namamahay sa inyong tirahan. Ito rin ang magsisilbing basbas upang mailayo sa kapahamakan ang mga taong titira sa binendisyunang bahay. Huwag mong isantabi ang pagpapa-house blessing sa pag-aalalang dagdag-expenses lamang ito, sapagkat hindi naman naniningil ng malaking halaga ang mga pari. Thankful na sila sa donation. Honestly, hindi naman required ang magarbong house blessing na tila may pa-ribbon cutting ka pa, kung saan invited ang buong barangay, kundi simpleng salu-salo kasama ang iyong pamilya ay sapat na.


3. DUMEPENDE SA HUGIS NG BUWAN. May mga nagsasabing sa loob ng isang buwan ay may dalawang pagkakataon lamang para makalipat ng bahay, it’s either new moon or full moon, o kapag natiyempuhan mo ang blue moon. Ang liwanag na magmumula sa hugis ng buwan ang magdadala ng suwerte sa inyong bagong tirahan.


4. HUWAG MAGLILIPAT NG BAHAY KAPAG CHINESE GHOST MONTH. Ito ay isang tradisyon ng mga Intsik taun-taon, kung kailan bumubukas ang impiyerno at gumagala ang masasamang espiritu sa loob ng isang buwan o mula July 29 hanggang August 26. Dapat ay palipasin muna ang Ghost Month bago lumipat ng bahay upang hindi sumama ang mga mapaglarong espiritu sa inyong bagong tirahan. Kundiman, pinapayuhan mag-alay ng pagkain, maghanda ng anim na inumin, anim na ulam, at dalawang kanin. Mag-insenso sa labas ng bahay. Kumbaga, para kang nagpapaalam sa spirits. Mangyari’y kumonsulta sa Feng Shui experts tungkol sa masusuwerteng ayos ng pintuan, bintana, puwesto ng furniture abp. upang magtuluy-tuloy ang inyong suwerte.


5. SURIIN ANG BAWAT SULOK NG BAHAY. Ipagpalagay nating kaka-turn over lamang ng iyong brand new house and lot, siyempre ay inspection-in mo munang maigi kung maayos ba ang daloy ng tubig. I-check mo kung walang tagas ang lababo o kung barado ba ang sink at toilet bowl. Tingnan mo rin kung nagbibitak-bitak ba ang pader o sahig, lalung-lalo na kung tumutulo ba ang bubong tuwing umuulan. Tingnan mo rin ang electric wirings. Hangga’t maaga ay palitan mo na ang doorknob, sapagkat hindi natin alam kung may kaparehas kang susi sa isa sa mga homeowner, na maaari nilang magamit sa pagnanakaw. Mag-disinfect ka na rin bilang panlaban sa iba’t ibang uri ng bacteria, virus at germs.


6. TIYAKING MAY TUBIG AT ILAW. Siyempre, paano ka makakakilos nang maayos kung walang tubig at ilaw? Mahirap maki-igib ng tubig at makikabit ng kuryente sa kapitbahay araw-araw, kaya siguraduhin munang mayroon ng tubig at ilaw ang iyong lilipatang bahay bago lumipat. Okie?


7. ITAGO ANG MGA PAPELES AT RESIBO. ‘Wag na ‘wag mong iwawala ang mga papeles at resibo dahil napakahalagang documented in print ang inyong bawat transaksyon. ‘Yan ang magsisilbi mong katibayan sa lahat ng iyong karapatan sa iyong bagong bahay.


8. ‘WAG FEELING CLOSE SA KAPITBAHAY. Okay lang ‘yung magbibigay ka ng handang spaghetti o ulam sa iyong kapitbahay sa araw ng iyong paglipat, pero besh, ‘wag na ‘wag kang magbibigay ng personal information, kung ayaw mong ikaw ang maging subject ng chismis nila Aling Marites. Hindi naman sa pagiging judgmental, pero malay ba natin kung may history sila ng pangsa-psycho o may kakilala silang magnanakaw. Hindi rin sa pinag-o-overthink kita, pero what if sa pagiging feeling close n’yo sa isa’t isa ay tinitiktikan na pala nila ang inyong bahay? What if lang naman.


Ngayong alam mo na ang ilan sa mga dapat gawin, congratulations sa iyong bagong tahanan!


1 comment

1 comentário


the judge
the judge
12 de jul. de 2024

Ang 8 talaga ang pinakatama. mas okay na yun na tahimik ang buhay at walang gumugulong kapitbahay. keber na lang sa chismis nila. 😤

Editado
Curtir

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page