ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 19, 2024
Nakaraan ay tinalakay natin ang mga suwerteng kulay para sa Year of the Wood Dragon na eksaktong elemento at animal sign na iiral ngayong taon 2024.
Sa susunod na mga araw ay tuluy-tuloy nating talakayin ang katangian ng bawat animal sign at kung ano ang mangyayari sa kanilang kapalaran. Kaya manatili lang kayong nakasubaybay at ‘wag kayong bibitaw sa ating Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar.
Pero bago ‘yan, ang elementong kahoy o wood muna ang pag-aralan natin.
Muli, tandaan na ang Wood o Kahoy ay may katangian ng “expansion, abundance and fertility”, alam naman nating lahat na ang kahoy o punong kahoy na mismong pinanggagalingan ng elementong wood ay wala namang ginagawa sa lupa na kanyang kinatataniman, kundi ang lumago nang lumago, at pagkatapos ng paglago ay ang pamumulaklak at pamumunga.
Kaya masasabi talagang magiging maganda ang buhay ng bawat animal sign ngayong 2024. At dapat nating pasalamatan ang elementong wood o kahoy.
Sa kabilang banda, kapag ang kahoy o wood ay nalanta, dahil hindi na nadidiligan sa mahabang panahon sa hindi kagandahang kalagayan ang kahoy o ang punong kahoy ay tiyak na mabubulok ang sanga hanggang sa ito ay tuluyang mamatay.
Ano nga ba ang ibig kong sabihin? ‘Yun nga, bagama’t magiging maganda ang kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, hindi naman puwedeng hindi na tayo kumilos, hindi rin tayo puwedeng hindi madiligan o malagyan ng fertilizer dahil kapag ganu’n ang nangyari sa isang halaman o sa isang punong kahoy, tulad ng nasabi na, ito ay mananamlay at manunuyot hanggang sa tuluyang mamatay.
Kaya sa taong ito ng 2024, ang pinakamahalaga sa lahat ay kumilos ka. Umalis ka sa iyong comfort zone, kumbaga sa halamang baging, ngayon ka gagapang at lalago – ito ang magsisilbi mong pampasuwerte na magsisilbing fertilizer mo ngayong 2024, para lahat ng suwerte at magagandang kapalaran hatid ng Wood Dragon na ganap at tuluyang mapapasaiyo.
Ipinapaliwanag kong mabuti ‘yan dahil laging may nagsasabi sa akin at nababasa ko lang sa comment section na, “Bakit si Maestro Honorio Ong ay walang negative o pangit na hula para sa mga 12 animal signs? At bakit nga ba puro maganda lang ang hula ko sa prediksyon?”
Nangyaring ganu’n, eh kasi nga kung si God ang may gawa ng mga tao, ng kalikasan at lahat ng bagay na nakikita mo sa iyong kapaligiran, noong unang linggo ng creation, tatanungin kita, gagawa ba si God ng pangit?
Well, sige ako na ang sasagot para sa iyo, dahil si God ay tinatawag ding all-beautiful God, lahat ng ginawa niya ay tunay namang magiging maganda at mabuti, kaya masasabing lahat tayo ay suwerte, lahat ay may magandang kapalaran at walang malas.
Samantala, kung maitatanong mo ngayon kung bakit may minamalas o bakit may mga indibidwal na imbes suwertehin ay hindi nakatatagpo o hindi nakatatanggap ng magandang kapalaran? Eh kasi nga, kayo rin naman ang gumagawa nang ikapapangit ng inyong kapalaran, o baka hindi n'yo kasi alam kung paano pagagandahin ang inyong kapalaran na sa madaling salita isa kayong ignorante sa pagkilalala ng panloob at panlabas n'yong katangian.
Kaya sa patuloy na pagtakalay natin sa Forecast 2024, ituturo ko sa inyo ang pangunahing katangian ng 12 animal signs, kung paano kayo higit na susuwertehin, liligaya at magtatagumpay sa buhay.
Comments