ni Anthony Servinio @Sports | January 27, 2024
Hindi nagpadaig si Luka Doncic at bumuhos ng 73 puntos upang ipanalo ang Dallas Mavericks laban sa Atlanta Hawks, 148-143, sa NBA kahapon mula sa State Farm Arena. Ang 73 ay naganap ilang araw lang matapos magtala ng 70 si MVP Joel Embiid sa 133-123 panalo sa San Antonio Spurs noong Martes.
Ito rin ang ika-pitong laro na may nagtala ng 73 o higit at apat dito ay kay Wilt Chamberlain na gumawa ng 100, 78 at dalawang beses na 73. Ang iba pa ay ang 81 ni Kobe Bryant noong 2006 at 73 ni David Thompson noong 1978.
Nagtayo ng bagong personal na marka si Doncic at pinakamaraming puntos ng isang Maverick. Nagkataon din na nagawa niya ito kontra sa Hawks, ang koponan na pumili sa kanya noong 2018 subalit agad ipinadala sa Dallas kapalit ang kapwa rookie Trae Young bago magsimula ang torneo.
Sa gitna ng makasaysayang laro ni Doncic, nasapawan ang 62 puntos ni Devin Booker ng Phoenix Suns subalit nanaig sa huli ang Indiana Pacers, 133-131, sa bisa ng buslo ni Obi Toppin na may tatlong segundo sa orasan. Nanguna ang pinakabagong Pacer na si Pascal Siakam na may 31 puntos.
Nagtala rin si NBTC Philippines alumni Jalen Green na 36 puntos at 10 rebound at tinambakan ng kanyang Houston Rockets ang Charlotte Hornets, 138-104. Ang personal na marka ni Green ay 42 laban sa Minnesota Timberwolves na 119-114 noong Enero 23, 2023.
Samantala, ipinakilala na ang mga kapitan at first five para sa 2024 All-Star sa Pebrero 19 sa Indiana. Magsisilbing mga kapitan si Giannis Antetokounmpo ng East at LeBron James ng West na may pinakamaraming online boto buhat sa mga tagahanga (50%), mga mamamahayag (25%) at kapwa manlalaro (25%).
Comments