ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 08, 2021
Sinimulan ng Dallas Mavericks ang kanilang 2021 NBA Preseason sa isang 111-101 panalo sa bisitang Utah Jazz kahapon sa American Airlines Center. Nagpasiklab agad si Luka Doncic upang ipatikim kay Jordan Clarkson at Jazz ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo.
Sa bihirang pagkakataon, naging bahagi si Sixth Man Clarkson ng starting five ng Utah at sabay hindi ginamit ang mga All-Star na sina Donovan Mitchell, Rudy Gobert at Mike Conley. Naglaro lang siya ng 17 minuto at nagtapos na may siyam na puntos buhat sa dalawang tres noong first quarter at isang three-point play sa second quarter upang ibigay sa Jazz ang kanilang huling lamang, 47-46.
Ipinasilip ni Doncic ang kahandaan para sa parating na NBA sa 19 puntos, anim na rebound at limang assist sa loob lang ng 16 minuto sa sahig. Hindi pinaporma ng Mavs ang Jazz at dominado nila ang second half kung saan umabot ng 20 ang pinakamalaking lamang, 99-79. Nanguna sa Jazz si rookie Jared Butler na may 22 puntos habang may 13 puntos ang dating Golden State Warrior na si Eric Paschall na pinasok bilang sentro sa starting five sa kanyang taas na 6’6”.
Sa ibang mga laro, kahit wala pa rin ang mga bituin ay nanaig ang Phoenix Suns sa bisitang Los Angeles Lakers, 117-105, sa Footprint Center o ang dating Phoenix Suns Arena.
Samantala, nagtala ng panalo ang isa pang Fil-Am na si Jalen Green ng Houston Rockets sa bisitang Washington Wizards, 125-119, sa Toyota Center noong Miyerkules. Ipinasok ng rookie ang 10 ng kanyang 12 puntos sa first half subalit kinailangan ang mga beterano na tapusin ang laro.
Comments