ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 18, 2024
Nangangamote nang husto ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) kung paano iresolba ang kakapusan ng driver’s license sa bansa na nagsimula ang problema sa supply ng plastic card nang kunin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang responsibilidad sa malakihang kontrata sa LTO, na nauwi sa hidwaan at naging dahilan ng pagbibitiw noon ni dating LTO chief Jose Arturo Tugade, habang mula noon ay hindi pa rin nalulutas ang napakatagal nang problema.
Ang inaalala lang ng marami nating kababayan ay kung paano makapanghuhuli ang mga traffic enforcer kung wala namang huhulihin na magkakasalang driver dahil sa kakulangan nga ng lisensya.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza II, tatagal na lamang ng dalawang linggo ang supply ng plastic card sa lisensya ng driver. Sa katunayan aniya, wala nang plastic cards ang ibang district offices sa mga mall.
Noong nakaraang Disyembre ay pinaasa tayo ng LTO na tapos na ang problema sa lisensya dahil sa naglabasan na sa media na mayroong 4 milyong donasyon na plastic card mula sa Philippine Society of Medicine for Drivers kaya nakampante na ang marami nating kababayan, ngunit ngayon ay iba na naman ang pahayag ng LTO dahil nananatili pa rin pala ang problema sa kakulangan ng driver’s license. Hindi umano magamit ng LTO ang donasyong 4 milyong plastic card habang wala pang basbas ang Office of the Solicitor General (OSG) sa legalidad ng donasyon.
Kumbaga, as far as card is concerned, wala pa tayong card. ‘Yung donasyon na 4 milyong plastic card, ay hindi pa puwedeng gamitin dahil sa naghihintay pa umano sa final OSG opinion para plantsado ‘yung legalidad, ayon sa pahayag mismo ni LTO Sec. Mendoza.
Natigil ang supply ng plastic card ng driver’s license dahil sa inisyung temporary restraining order (TRO) ng Quezon City Court bunsod ng petisyong inihain ng natalong bidder.
Base sa paliwanag ni LTO Sec. Mendoza, kailangang suriin muna ng OSG, House Committee on Transportation, at Department of Science and Technology (DOST) ang donasyong plastic card.
Ang plastic card ay kailangang dumaan pa sa pagsisiyasat ng DOST upang masuri ang kapal, timbang at kalidad ng materyales. Kailangan din ang proof of concept, security code at iba pa.
Kahit mabigyan ng go-signal ang paggamit ng 4 milyong donasyong card, kulang pa rin ito para sa 2024 dahil ngayong taon ay 10 hanggang 12 milyong card ang kailangan ng LTO.
Nagsimula ang problema sa supply ng plastic card nang kunin ni DOTr Sec. Bautista ang responsibilidad sa malakihang kontrata sa LTO. Dahil sa hidwaang ito, nagbitiw noon si LTO chief Tugade.
Ang medyo kuwestiyunable lang sa sitwasyon ay ang mabagal na pagtugon ng pamunuan ng LTO dahil sa Disyembre pa lamang ay kita na ang paparating na problema sa driver’s license, pero parang ngayon lang sila kumikilos samantalang napakatagal na ng puwedeng solusyon sa kanilang tanggapan at ang kailangan lamang ay tamang disposisyon.
Tapos ngayong nagsisimula na ang taon ay saka lamang iaanunsyo na kulang pa rin ang plastic card ng driver’s license kasi may mga dapat pa raw ayusin na sana ay inayos na para maganda rin ang pasok ng taon.
Hindi natin tinutuligsa ang pamunuan ng LTO, nais lang nating iparating sa kanila ang komento ng ating mga kababayan na umay na umay na sa balitang problema pa rin ang ating driver’s license.
Sa tingin kasi ng maraming kababayan ay simple lang ang problemang ito, ngunit inabot na ng panibagong taon ay hindi pa rin nareresolba, at baka puwedeng repasuhin na ang kakayahan ng mga itinalagang opisyal sa tanggapan ng LTO kung karapat-dapat ba sila sa kani-kanilang posisyon.
Lumilipas kasi ang araw ay dumarami ang problemang kinakaharap ng LTO, at siyempre ang apektado rito ay ang publiko kaya medyo nababahala rin tayo.
Sana ‘pag gising natin bukas ay may anunsyo na ang LTO na tapos na ang problema sa kakulangan ng driver’s license — ‘yung totoong solusyon hindi ‘yung pang media lang na paaasahin lang tayo. Dapat ‘yung tunay na solusyon.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments