top of page
Search
BULGAR

Donasyon ng Russia... Unang batch ng Sputnik Light COVID-19 vaccines, dumating na

ni Lolet Abania | November 19, 2021



Dumating na ang unang 5,000 doses ng single-shot Sputnik Light COVID-19 vaccine na donasyon ng Russian government sa Pilipinas ngayong Biyernes.


Ayon sa National Task Force Against COVID-19, lumapag ang pinaka-latest batch ng vaccine doses, kung saan kabilang din ang 2,805,000 Sputnik V shots sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, pasado alas-2:00 ng hapon.


Ang delivery ay dumating ilang oras matapos na salubungin naman ng pamahalaan ang 1,306,000 doses ng Moderna COVID-19 vaccine sa NAIA.


Ang Food and Drug Administration (FDA) ay nag-isyu ng emergency use authorization (EUA) para sa Sputnik Light noong Agosto 20.


Ayon sa Russian Direct Investment Fund (RDIF), nakapagtala ang Sputnik Light ng 79.4% efficacy kumpara sa 91.6% para sa two-shot ng Sputnik V.


Pinasalamatan ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang gobyerno ng Russia para mapadali ang delivery ng mga bakuna.


Ayon kay Galvez, ang 5,000 doses ng Sputnik Light ay nakatakdang i-deliver sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).


“Nakita natin ‘yung BARMM ang medyo pinakababa almost 11% pa lang siya and tutukan natin ‘yung BARMM this coming vaccination day,” sabi ni Galvez.


Batay sa datos ng gobyerno hanggang nitong Huwebes, aabot na sa 33 milyong Pilipino ang fully vaccinated na kontra-COVID-19, kung saan nakapag-administer na ng 1,154,131 COVID-19 doses nitong Nobyembre 18.


Magsasagawa naman ang gobyerno ng simultaneous vaccination activities mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page