ni Lolet Abania | October 15, 2021
Dumating na sa bansa ang 844,800 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines ngayong Biyernes ng hapon.
Lumapag ang bagong batch ng mga bakuna sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 via Emirates Airlines Flight EK 332, pasado alas-4:00 ng hapon, kung saan donasyon ang mga ito ng German government sa pamamagitan ng COVAX facility.
Labis ang pasasalamat ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa World Health Organization (WHO) at sa gobyerno ng Germany para sa delivery ng mga AstraZeneca vaccines.
“Over 400,000 Filipinos will benefit from these vaccines and this means more than 400,000 of our countrymen will be saved from severe COVID-19 complications and death,” ani Galvez, kung saan ang mga doses ng bakuna ay dadalhin naman sa mga probinsiya.
Ang representative ng German Embassy in Manila ay nagsabing plano ng kanilang gobyerno na mag-donate ng 100 milyon pang COVID-19 vaccines sa mga papaunlad na bansa.
Plano rin ng German government na magbigay ng donasyon ng isa pang batch na aabot sa 800,000 doses ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas aniya pa, “soon.”
Samantala, ayon sa National Task Force Against COVID-19, isa pang batch ng Pfizer vaccine doses ang nakatakdang dumating sa bansa ngayong Biyernes ng gabi.
Comentarios