ni Gerard Peter - @Sports | May 24, 2021
Hindi pa rin mapipigilan sa pagkamit ng pangarap na makuha ang lahat ng titulo sa bantamweight division ang 4-division world champion na si “Filipino Flash” Nonito Donaire na matindi ang paghahanda para sa championship fight laban kay WBC title holder Nordine Oubaali ng France sa Mayo 29 sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.
Pursigido pa rin ang 38-anyos mula Talibon, Bohol na makulekta ang lahat ng 115-pound belt, habang nakikinita pa nitong tatagal pa siya sa mundo ng boksing ng mula 5 hanggang 10 taon. “I have a dream which is to be the undisputed bantamweight champion, and at 38-years-old I think I am capable of doing it,” pahayag ni Donaire sa Boxingscene.com.
Mabibigyan muli ng pagkakataon ang dating bantamweight king na lumaban para sa titulo bilang mandatory challenger kontra sa 34-anyos na dating 2007 World Championships bronze medalist, na minsang nang naudlot ang pagtatapat noong isang taon matapos magka-COVID-19.
Bukod sa pagnanais na hubaran ng korona ang Frenchman southpaw, ang daan para sa inaasam na undisputed kingpin ay pupuntiryahin ni Donaire sa isang rematch kina WBC/WBA/The Ring titlist “The Monster” Naoya Inoue ng Japan na idedepensa ang titulo kay Filipino Michael “Hot and Spicy Dasmarinas sa Hunyo; at WBA (regular) champ “The Jackal” Guillermo Rigondeaux ng Cuba na makikipag-unify ng titulo kay WBO Johnriel “Quadro Alas” Casimero sa Agosto. “The first step is on May 29 against Nordine Oubaali, a good fighter, but he's never faced an opponent like me, and then we are definitely going to pursue a rematch with Inoue and gather the rest of the belts," saad ni Donaire.
Nauna ng ipinag-utos ni WBC President Maurico Sulaiman na idepensa ni Oubaali (17-0, 12KOs) ang titulo laban kay Donaire (40-6, 26KOs) para ipagpatuloy ang naunsyaming laban, matapos parehong tamaan ng COVID-19 ang dalawang boksingero noong isang taon.
Comments