top of page
Search
BULGAR

Donaire, hindi patatalo kay Oubaali; usapang Pacman-McGregor, buhay pa

ni Gerard Peter / MC - @Sports | May 18, 2021




Inaasahang maganda ang ipakikitang laban ni Nonito Donaire Jr. kontra kay defending WBC bantamweight champion Nordine Oubaali ng France dahil sa tulong ng kanyang trainer na si Mexican mixed martial arts guru Tony Diaz.


Gagawin ang 12-round bout ng dalawa sa Dignity Health Sports Park sa Carson City, Los Angeles sa Mayo 29. Ayon sa mga kritiko, kapag tumagal ang laban ay matatalo si Donaire pero kung hindi naman ay siguradong muling mauupo sa trono ng boksing ang Pinoy fighter na si Donaire.


Target ng 38-anyos na si Donaire na maagaw kay Oubaali ang korona at wala pa umano sa hinagap nito ang pagreretiro. Sakali umanong matalo niya si Oubaali, target ni Donaire na agawin ang hawak ni super WBA/IBF champion Naoya Inoue sa isang rematch o harapin ang mananalo sa laban nina WBO champ JohnRiel Casimero at regular WBA beltholder Guillermo Rigondeaux na gaganapin sa August 14.


Hindi umano madaling kalaban si Oubaali, 34, dahil ito ay two-time Olympian na naging pro noong 2014. Bentahe ni Donaire sa laban ang lakas at bilis nito pero hindi rin umano puwedeng maliitin ang lakas at talento ni Oubaali. Tatanggap si Donaire bilang challenger ng premyong $114,360 habang si Oubaali ay magbubulsa ng $216,540. Ang mananalo sa laban ay tatanggap ng bonus na $40,100.


Samantala, nananatiling buhay pa ang negosasyong pagtatapat ng nag-iisang eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao at UFC two-division world titlist “The Notorious” Conor McGregor, ayon sa malapit na taga-pamahala ng Fighting Senator. Inihayag ng business manager ni Senator Pacquiao na si Arnold Vegafria na patuloy pa rin ang pag-uusap sa pagitan ng kampo ng legendary boxing icon at ng mixed martial arts champion at one-time professional boxer.


Hinihintay na lamang umano ang pinal na desisyon ng magkaparehong panig dahil may nakalaan nang kontrata para sa kanilang napipisil na laban. Ngunit kinakailangan muna nilang unahin ang mga naunang nakalinyang laban – si McGregor laban kay Dustin Poirier para sa kanilang trilogy fight sa UFC 264 sa Hulyo 10 sa Las Vegas, Nevada at Pacquiao (62-7-2, 39KOs) laban kay dating 4-division champion Mikey Garcia (40-1, 30KOs) sa Hulyo o Agosto.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page