ni Gerard Arce - @Sports | January 04, 2022
Maituturing na napakatagumpay ng taong 2021 para sa Philippine Esports kasunod na rin ng mga international titles at patuloy na pagtaas ng popularidad ng iba’t ibang laro nito sa bansa na kinabibilangan na rin ng school-based tournaments at professional competitions.
Sa pagpasok ng taong 2021, isang titulo ang ibinulasa ng Bren Esports nang sungkitin nila ang M2 World Championships sa Mobile Legends: Bang Bang sa Singapore nang pataubin ang Burmese Ghouls ng Myanmar, habang tinapos ngayong taon ng Blacklist International na hawak pa rin ng mga Filipino ang titulo ng MLBB M3 World Championships nang walisin nito ang Onic Philippines para sa All-Filipino match up sa bisa ng 4-0 panalo.
Dinomina rin ng Pilipinas ang Southeast Asia Cup MLBB nang magkampeon ang Execration kontra sa panibagong All-Filipino championship kontra Blacklist International.
Pasok din sa tagumpay na nakamit ng bansa ang husay ng Team Secret Philippines sa Riot titles ng sa Valorant at League of Legends: Wildrift. Nagtapos din bilang top 8 ang Team Secret sa Valorant Champions at second place finish sa SEA Championships, gayundin ang semifinal stint sa Horizon Cup sa Wildrift.
Bilang kampeon sa nakaraang 2019 SEAG sa DOTA 2, nakakitaan ng bagong All-Filipino finals sa pagitan ng TNC Predator at O.B. Neon sa Asia Pacific Predator League, habang ang E-Gilas Pilipinas ay nagningning sa FIBA Esports Open III-SEA Conference, samantalang ang Blacklist Ultimate ay pinuwing ang SEA champions na ALMIGHTY para sa Call of Duty Mobile East Finals.
“Overall, Philippines achieve a lot of milestone this year. It came up that some Esports teams became champions at dumami talaga ang Esports organizations at company’s na na-delt sa Esports scene,” pahayag ni Philippine Esports Organization (PEsO) secretary-general Joebert Yu sa panayam ng Bulgar Sports sa telepono. “Actually, marami talagang mga naglabasang mga play-to-earn games ngayon, pero talagang we’ve seen the rise of Esports games lalo na sa kabataan. Kase this pandemic, dahil bawal kang lumabas, yun talaga ang gagawin mo eh. Na-instill na kase sa maraming tao.”
Comments