ni Angela Fernando @Business News | August 12, 2024
Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga empleyado sa pribadong sektor na magtatrabaho sa paggunita ng Ninoy Aquino Day sa Miyerkules, Agosto 21, at National Heroes Day sa Lunes, Agosto 26, ay may karapatan sa karagdagang sahod dahil idineklarang holiday ang mga nasabing araw.
Binigyang-diin ni DOLE Sec. Bienvenido Laguesma na idineklara ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang Agosto 21 bilang isang special non-working holiday at ang Agosto 26 bilang isang regular holiday batay sa Presidential Proclamation 368.
Sinabi rin ni Laguesma na ang mga empleyadong magtatrabaho sa special non-working day ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanilang sahod para sa araw na iyon.
Kung ang special non-working day ay tumapat sa araw ng pahinga ng isang empleyado, sila ay may karapatang tumanggap ng 50% ng kanilang batayang sahod para sa unang walong oras ng trabaho at 30% ng kanilang orasang sahod para sa overtime.
Nilinaw din sa advisory na pasok pa rin ang mga nasabing holidays sa "no work, no pay" policy. Sa kabilang banda, ang mga empleyadong magtatrabaho sa regular holiday ay dapat tumanggap ng 200% ng kanilang sahod para sa unang walong oras ng trabaho.
Comentarios