ni Jasmin Joy Evangelista | April 5, 2022
Doble dapat ang matanggap na suweldo ng mga empleyadong papasok sa araw ng regular holiday, paalala ng labor department nitong Lunes.
Sa isang advisory, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga manggagawang papasok sa April 9 o Araw ng Kagitingan, April 14 o Huwebes Santo at April 15 o Biyernes Santo, ay dapat na makatanggap ng 200% ng kanilang regular salary para sa unang walong oras.
Kailangan din silang bayaran ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate para sa overtime work, at karagdagang 30% sa kanilang basic pay ng 200% kung matatapat sa kanilang rest day ang holiday.
Para sa overtime work sa regular holiday, ang mga empleyado ay kailangang bayaran ng additional 30% ng kanilang hourly rate sa naturang araw.
Para sa April 16 o Black Saturday, ang “no work, no pay” principle ay maia-apply maliban na lamang kung mayroong polisiya ang kumpanya sa pagpapasuweldo sa special day.
Ang mga magtatrabaho tuwing special day ay kailangang bayaran ng karagdagang 30% sa unang walong oras ng trabaho, at karagdagang 30% ng kanilang hourly overtime work rate.
Ang mga manggagawang magre-report sa special day sakaling matapat sa kanilang rest day ay dapat bayaran ng karagdagang 50% ng kanilang basic pay sa unang walong oras, at karagdagang 30% sa overtime.
Nauna nang inanunsiyo ng Malacañang ang April 9, 14, at April 15 bilang regular holidays, at April 16 bilang special non-working holiday.
תגובות