top of page
Search

Doktor na sabit sa Salilig-hazing, lumantad

BULGAR

ni Mylene Alfonso | March 22, 2023



Lumutang sa Biñan police ang doktor na idinadawit sa fraternity hazing na ikinamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.

Una nang nabunyag sa pagdinig sa Senado kaugnay ng Salilig hazing case, tinanong ni Senate Blue Ribbon committee chairman Sen. Francis Tolentino kung natukoy na ang doktor na tumanggi umanong tingnan ang biktima.

Kinumpirma ng doktor na siya ang tinutukoy sa imbestigasyon kung saan nasa bahay na umano siya at nagpapahinga mula sa duty sa ospital nang tawagan ng pinsan para magpasundo.

Hindi pa aniya ibinigay noong una ng pinsan ang lokasyon kung saan ito susunduin, at nang nakausap na niya ay may bigla umanong umagaw ng telepono ng pinsan at nagtanong.

“Noong kausap ko siya parang may nagtanong na kausap ko na kung may tao na mawalan ng malay ano maganda gawin, ano dapat gawin,” sabi ng doktor sa ABS-CBN News.

Ipinayo niya umano na dapat dalhin sa ospital ang pasyente at ikinagulat niya ang pahayag ng isa sa mga suspek sa pagdinig na tumanggi umano siyang tulungan si Salilig.

“’Yung reaction ko nu’ng napanood ko nga ‘yung ano, ‘yung hearing nila sabi ko ha? Bakit sinasabi na may doktor daw nakita na harap-harapan ‘yung biktima, which is si Matthew, na hindi tinulungan. So, unang-una hindi ko nakita si Matthew at ‘di rin ako bumaba ng sasakyan ko. Sinundo ko lang pinsan ko,” aniya pa.

“Kahit ako nabigla ako sa nangyari, nagalit ako siyempre brotherhood ‘yan eh. Bakit humantong doon ‘yung brotherhood? Kung brother mo ‘yan, bakit kailangan humantong sa ganoon,” dagdag pa nito.

Handa naman ang doktor na humarap sa Senado at magbigay ng pahayag sa NBI kung kinakailangan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page