ni Jasmin Joy Evangelista | February 19, 2022
Nananawagan ng hustisya ang pamilya ng human rights activist at dating Secretary General ng Karapatan-Caraga na si Dr. Natividad Marian Castro matapos itong arestuhin ng mga pulis nitong Biyernes.
Ayon sa kapatid ni Castro, inaresto si Castro bandang 9:30 a.m. sa kanyang bahay sa San Juan City dahil umano sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa Caraga.
Si Castro ay isang human rights advocate at health worker sa Mindanao kung saan tumulong siya sa pagbuo ng community health centers at nagtuturo at tumutulong sa mga biktima ng human rights violation sa Caraga.
Dinala na umano ang doktora sa Butuan City kahapon ng hapon dahil doon naka-file ang kanyang kaso.
Kinokondena ng Karapatan ang pagkakaaresto kay Castro dahil ipinroseso umano siya na hindi man lang nakakausap ng kanyang abogado at pamilya.
Nanawagan din ang human rights group na Karapatan na ibasura ang mga anila'y gawa-gawang kaso at palayain si Castro.
Comments