ni Lolet Abania | July 1, 2020
Sugatan ang security guard matapos na arestuhin dahil sa panghohostage sa doktor ng East Avenue Medical Center, kung saan siya ginagamot, ngayong umaga, Miyerkules, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).
Kinilala ang biktima na si Dr. Russel Carandang at ang suspek ay si Hilarion Achondo, 51.
Ayon sa awtoridad, dumating si Achondo sa ospital para magpacheckup dahil sa tinamo niyang sugat mula sa isang aksidente sa motorsiklo. Nang lapitan siya ni Carandang upang gamutin sa emergency room ng ospital, biglang dumampot ang sekyung si Achondo ng syringe at itinutok sa leeg ni Carandang.
Napansin ng mga pulis, na nasa loob ng ospital, na may komosyong nagaganap sa emergency room kaya nilapitan nila ito.
Sinubukang makipag-usap ni Police Staff Sergeant Bienvenido Ribaya III kay Achondo, subalit walang hininging demand ang suspek.
Lumipas ang ilang minuto, nagpasyang pakawalan ni Achondo si Carandang. Agad namang inaresto ng mga pulis si Achondo.
Iniimbestigahan pa sa ngayon ang nangyaring insidente.
Nahaharap sa kasong grave coercion, alarm and scandal, at grave threat si Achondo, ayon kay Ribaya.
Comments