ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 5, 2025
NANG MAGING HEAD SI SEC. GATCHALIAN, MINALAS NA ANG MGA TRAPO DAHIL MGA PROGRAMA NG DSWD KABILANG ANG AKAP, HINDI NA SILA PUWEDENG UMEPAL -- Nagpalabas ng direktiba si Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DWSD) sa lahat ng regional offices ng DSWD na tablahin at i-ban ang mga kandidatong nais pumapel sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) payouts.
Minalas ang mga trapo (traditional politicians) nang maging head ng DSWD si Sec. Gatchalian kasi ang direktibang iyan ng kalihim ay nangangahulugan na lahat ng kandidato ay tablado sa AKAP, hindi na sila puwedeng umepal para gamitin ang AKAP sa kanilang kandidatura, period!
XXX
PAGBANTAAN BA NAMAN NI VP SARA BUHAY NINA PBBM, FL LIZA AT SPEAKER ROMUALDEZ KAYA SIYEMPRE SIBAK ABUTIN NIYA SA NSC -- Tinanggal ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio bilang miyembro ng National Security Council (NSC).
May dahilan naman si PBBM na tanggalin sa NSC si VP Sara kasi pagbantaan ba naman ng bise presidente na ipapa-assassinate niya ang presidente, misis nito na si First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez, kaya ang resbak dito ng Pangulo, pagsibak sa VP bilang kasapi ng NSC, boom!
XXX
MGA PRO-MARCOS PARTYLIST REPRESENTATIVE ‘NGANGA’ SA SSS CONTRIBUTIONS HIKE -- Kinondena ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang dagdag na 15% contribution sa mga miyembro ng Social Security System (SSS), na ayon sa kanya ay isa itong malupit na regalong pang-Bagong Taon ng Marcos administration sa mga SSS members.
Buti pa si Cong. Brosas nagawang batikusin ang SSS contribution hike na ‘yan, pero 'yung mga partylist representatives na pro-Marcos “nganga” lang, mga buset!
XXX
“WA’ ‘WENTA” ANG DOH SEC. NI PBBM, DAMING HEALTH FACILITIES NA NAKATENGGA, ‘DI PA NAI-IMPLEMENT KAHIT NAPONDOHAN NA -- Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na ang mga health facility na pinondohan ng Dept. of Health (DOH) ng higit P2.83 billion noong year 2023 sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ay nakatengga at ang iba ay hindi pa nai-implement.
Ibig sabihin niyan, ang itinalaga ni PBBM na mamuno sa DOH na si Sec. Teodoro Herbosa ay “wa’ rin kuwenta,” boom !
Comments