top of page
Search
BULGAR

DOH, sablay na nga sa benefits, sablay pa sa tamang pasuweldo, tsk!

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 04, 2021



Nitong nakaraang linggo, kung saan ilang araw na iginiling ng Senate Blue Ribbon Committee ang Department of Health, ilang mahahalagang isyu ang ating piniga para makakuha ng tamang kasagutan mula sa DOH.


Pero sa totoo lang, walang direktang kasagutan, lalo na ang pagkompronta natin sa kanila patungkol sa mga usapin hinggil sa mga health workers.


Masakit sabihin, pero para lang tayong lalong nangapa sa dilim.


Kasama sa itinanong natin kay Health Sec. Duque ang tungkol sa underspending ng DOH sa pondo nilang P24-B, na inaprubahan ng Senado sa ilalim ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2, at ang mga nakatengga pa ring benepisyo. Anu-ano’ng benepisyo ba ‘to? Kasama riyan ang special risk allowance, na malinaw na nakasaad sa Bayanihan laws; and’yan din ang hazard allowance na iminamandato naman ng Magna Carta for Public health Workers. Hindi na nga kalakihan ang benefits, binibitin-bitin pa.


Tungkol sa underspent na P24-B, nalaman natin na P6-B d’yan ang unutilized. At sa P6-B na ‘yan, P1-B ang kanilang ibinalik sa national treasury. Ang nasabing P1-B ay nakalaan sana sa pagpapatupad ng HRH (human resource for health) program ng DOH, o iyong pag-hire ng mga karagdagang medical personnel na ide-deploy sa mga lugar na kailangang-kailangan ang kanilang serbisyo.


Sa paghimay natin sa contractualization at regularization issues sa loob ng DOH na isa talaga sa mga inirereklamo ng ating nurses, nalaman nating sa kasalukuyan, meron silang kabuuang 80, 308 positions. At sa bilang na ‘yan, mahigit 13,000 positions ang unfilled o bakante. Bakit hindi nila gawan ng paraan na mapunuan agad? Nasa pandemya tayo, ‘di ba?


Pero ang malaking problema rin at inirereklamo ng mga nurse ng DOH, bakit kailangang contractual ang posisyon nila at salary grade 11 lang ang estado ng buwanang suweldo? Sablay na nga sa benefits, sablay pa sa tamang pasuweldo?


Kung pagbabasehan natin ang nilalaman ng Nursing Act of 2002, sinasabi roon na kailangang nasa salary grade 15 ang entry level ng nurses o katumbas ng P33, 000 na sahod kada buwan. Hindi contractual — dapat, regular. ‘Yan ang isa sa kanilang mga inirereklamo. Bakit sila contractual? Malinaw na paglabag sa batas ‘yan. At bakit may 13, 700 contractuals ang DOH?


Nang komprontahin natin si Health Sec. Duque tungkol d’yan, ang sagot niya, kaya hindi agaran ang regularisasyon o ang pagpupuno sa plantilla positions, dahil may qualification standards na nakasaad sa rules and regulations ng Civil Service Act. Eh, kung ang sinabi niyang ‘yan ang ating pagbabasehan, ibig sabihin, malabo talaga ang regularisasyon sa kanilang hanay.


Sa hearing, nangako ang DOH na matatanggap ng health workers ang mga nakatenggang benepisyo. Sana ay hindi lang lip service ‘yan. Unti-unti na tayong iniiwan ng health professionals at ‘wag na nating hintaying maubos sila dahil sa kawalan ng pag-asa sa gobyerno.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page