ni Lolet Abania | July 19, 2021
Nangangalap na ang Department of Health ng mga supply ng oxygen bilang paghahanda sakaling magkaroon muli ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa Delta variant.
Una nang nagbabala ang DOH sa posibleng pagsirit ng COVID-19 matapos na 11 local cases ng Delta variant ang nai-report sa Northern Mindanao, Metro Manila, Western Visayas, at Central Luzon.
“Tayo po ay nagpe-prepare for this Delta variant. Sabi nga natin it’s just a matter of time bago makapasok... Currently our existing oxygen supply is sufficient but we need to add additional so that we can be more prepared,” ani DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire sa briefing ngayong Lunes, kung saan ang nasabing variant ay unang nai-report sa India.
“Our hospitals are now more guided that they should be expanding their beds already. Our local governments have been guided also they should intensify their PDITR (Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate) response,” sabi pa ni Vergeire.
Ayon kay Vergeire, ang Delta variant ay mas transmissible at mataas ang posibilidad na maospital kapag tinamaan ang isang indibidwal nito.
“Kailangan lang po tayo ay very cautious. Ipatupad ang protocol natin for isolation of close contacts and those turning positive,” saad ng kalihim.
Kamakailan, nakapag-export ang bansa ng sobrang oxygen supply sa kalapit na bansang Indonesia upang makatulong ito sa paglaban nila sa pagtaas pa ng COVID-19 cases sanhi ng naturang variant.
Sinabi ni Vergeire na bawat pagkilos ay laging may kaakibat na panganib at isang kadahilanan ito na maaaring kumalat ang virus. Subalit aniya, patuloy naman ang pag-assess ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa sitwasyon sa capital region.
“We will assess everyday so we can see if we need to heighten restrictions at kung kailangang magkaroon ulit ng NCR Plus bubble,” ani Vergeire.
Samantala, isang grupo ng mga private hospitals ang nagsabing mapipilitan na naman silang mag-expand sa kanilang mga intensive care units (ICUs) sakaling magkaroon ng panibagong pagtaas ng COVID-19 cases.
Ayon kay Dr. Jose Rene de Grano, head ng Philippine Hospital Association of the Philippines (PHAP), marami na sa kanilang mga healthcare workers ang nag-resign o nagpa-transfer na lamang na nakaapekto nang husto sa kanilang operasyon.
“When the surge happened in April, there were a lot of our personnel who resigned or transferred. That is why our bed capacity is limited, while other hospitals have downsized,” ani De Grano sa Laging Handa briefing ngayong Lunes.
“We have enough oxygen support, ventilators, but if there will be a surge, we cannot easily expand our intensive care units because it comes with huge expenses, with additional required equipment, as well as highly trained nurses and doctors,” sabi pa ni De Grano, kung saan ang mga pribadong ospital ay may mandato na makapag-allocate ng 30% ng kanilang capacity sa mga COVID-19 patients.
Comments