ni Lolet Abania | January 28, 2022
Nananawagan ang Department of Health (DOH) sa mga eligible na indibidwal na mag-donate ng kanilang dugo sa gitna ng kakulangan sa suplay nito sa mga blood centers.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaaring ma-access ng mga indibidwal ang listahan ng mga blood donation centers sa pamamagitan ng website: https://tinyurl.com/DONATEBLOODPH.
“Bukod sa makakatulong ang inyong dugo sa pagligtas ng buhay, marami din po benepisyo para sa inyo ang pagdo-donate ng dugo,” sabi ni Vergeire sa isang Palace briefing ngayong Biyernes.
“Kabilang na diyan po ang pagbaba ng risk of heart attack, pagtulong sa pagpapanatiling malusog ang inyong atay, at nakakatulong din po ma-improve ang inyong cardiovascular health,” paliwanag ng kalihim.
Ayon sa DOH, ang mga indibidwal na nasa pagitan ng edad 16 at 65-anyos, na tumitimbang ng hindi bababa sa 50 kilograms ay eligible na mabigay ng kanilang dugo.
Gayundin, hindi dapat sila sumailalim sa minor o major surgeries, bagong tattoos, body piercings, o tumanggap ng anti-rabies/anti-tetanus vaccine nitong nakalipas na taon.
Binanggit rin ng DOH na hindi dapat sila nasangkot sa tinatawag na “high-risk behaviors” gaya ng casual sex o mayroong multiple sexual partners, bukod sa iba pang kadahilanan.
“Sa ngayon po mayroon tayong kakulangan sa supply ng dugo sa atin pong mga blood centers. Nananawagan po kami sa ating publiko na kung kayo po ay eligible, kayo po ay maaaring mag-donate ng dugo para po sa mga nangangailangan nating kababayan,” giit pa ni Vergeire.
Comments