ni Lolet Abania | November 26, 2021
Naghihintay pa ang Department of Health (DOH) ng ipapahayag ng World Health Organization (WHO) hinggil sa bagong coronavirus variant na na-detect sa South Africa na pinaniniwalaang na mas nakahahawa.
Ayon kay DOH director Dr. Beverly Ho ngayong Biyernes, nakatakdang makipagpulong ang WHO ngayong araw at maaaring maglabas ng statement sa hapon o sa Sabado.
“Nagpapa-meeting po ‘yung WHO ngayong araw. Kakalabas lang ng kanilang advisory at malalaman natin later in the day or siguro tomorrow kung ano ‘yung hatol dito,” ani Ho tungkol sa updates ng bagong variant.
Ang B.1.1.529 variant ay nakitaan ng tinatayang 30 mutations kumpara sa dalawa para sa Delta o tatlo para naman sa Beta, at itinuturong dahilan ng pagtaas ng infections sa South Africa.
Ayon sa isang Reuters report, ang daily infections sa South Africa ay tumaas ng mahigit sa 1,200 nitong Miyerkules mula sa 100 noong una ngayong buwan lamang.
Nag-aalala naman ang mga eksperto abroad na ang variant ay maaaring magdulot sa mga bakuna na maging less effective dahil sa taglay nitong spike protein, at kakaiba ito mula sa orihinal na COVID-19, kung saan ang mga bakuna ay nakabase.
Subalit, ayon kay Dr. Edsel Salvana, isang infectious disease expert at miyembro ng DOH-Technical Advisory Group, ang mataas na bilang ng mutations ay hindi nangangahulugan na ang variant ay may mataas na ring transmissibility o resistance sa mga bakuna.
“So while nakakabahala ‘yung presence of certain mutations, hindi automatic na nakakamatay ito o mas natra-transmit o mas bumababa ‘yung epekto ng ating vaccines,” sabi ni Salvana sa Laging Handa briefing.
Tiniyak din ni Salvana sa publiko na ang anti-COVID-19 measures ay nananatiling ipinapatupad sa buong mundo.
“And the fact na na-detect na itong variant na ito at pinag-uusapan na ng WHO, ‘yung UK nga nag-travel ban na sila, it shows na ‘yung ating global genomic surveillance is working,” ani Salvana.
“Hopefully, we can prevent the spread of any new variants that come up,” dagdag pa niya.
Giit pa ni Salvana na ang pagsunod sa minimum health protocols ay nananatiling epektibo laban sa virus, at ang mga COVID-19 vaccines ay nagbibigay pa rin ng proteksiyon laban sa severe COVID-19.
Para sa OCTA Research group, patuloy nilang imo-monitor ang variant na maaaring magdulot ng seryosong isyu.
Comentários