top of page
Search
BULGAR

DOH kumilos na laban sa bentahan ng kidney

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 27, 2022


Tuluyan nang pinawi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang hindi mamatay-matay na usapin hinggil sa umano’y talamak na kidnapping sa bansa dahil isa lamang pala itong gantihan ng ilang dayuhang nais guluhin ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.


Unti-unti ay tinatanggap na rin ng publiko na ang nagaganap na pagdukot sa ilang kababaihan gamit ang puting van sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil nakumpirma ng PNP na ang naglalabasang kaso at video files sa social media ay puro luma at naresolba na ang karamihan.


Ang pinakabago ay mariing pinaiimbestigahan ngayon ng Department of Health (DOH) ang kumakalat sa social media na muli na namang nauuso ang bentahan ng human organ tulad ng kidney kapalit lamang ng maliit na halaga.


Ito ay matapos umanong makatanggap din ng sunud-sunod na sumbong ang tanggapan ng DOH na muli na namang aktibo ang grupo ng mga namimili ng laman-loob ng tao at hindi naman tinukoy sa babala ng DOH, kung saan dinadala.


Ayon sa DOH, ang pagbebenta umano ng laman-loob, tulad ng kidney ay mahigpit na ipinagbabawal sa Pilipinas dahil nahaharap umano sa malaking problema sa kalusugan ang sinumang pumapasok sa ganitong transaksyon.


Naalarma ang pamunuan ng DOH, kaya humantong sa kailangan na itong imbestigahan dahil sa nag-viral ang ilang lalaki na kaya nagbenta ng kidney ay para lamang makabili ng mamahaling brand ng mobile phone at buong giting pang ipinagmamalaki na wala namang nangyari sa kanila.


Sa mga post ng ilang netizen ay makikita sa mga larawan na mayroon silang benda na tila katatapos lang ng operasyon sa pagbebenta ng kidney at nakangiti pang ipinagmamalaki na nakabili sila ng mamahaling gadget dahil dito.


Ayon sa DOH hindi basta-basta ang pagbebenta ng kahit anong parte ng katawan ng tao dahil may mga umiiral na batas hinggil dito at tanging ang mga kamag-anak lamang ang maaaring mag-donate sa pasyente kung kinakailangan.


Nagbigay din ng paalala ang DOH na kahit may mga medical expert pang nagsasabi na mabubuhay naman ang isang tao kahit isa na lang ang bato ay malaki pa rin ang kaibahan kapag kumpleto ang kidney ng isang tao at marami na umano ang napahamak dahil dito.


Mismong si DOH Secretary Maria Rosario Vergeire ay nagsabi na kapag natanggal na ang bato ng isang tao ay posible itong magdulot ng komplikasyon na sa halip na kumita ay baka kulangin pa ang ibinayad sa ipinagbiling bato para sa mas kahaharapin pang gastusan sa pagpapagamot.


Muli na naman kasing nabubuhay ang ganitong usapin sa social media at hindi malayo na kung hindi na naman ito maaagapan ay posibleng lumala na naman ang bentahan ng kidney gamit ang iba’t ibang platform sa social media.


Nangyari na kasi itong noong 2019 na lantaran ang ‘kidney for sale’ sa social media at tila naging normal na lamang ito ng mga panahong iyon kaya nga mismong ang pamunuan ng Facebook ay inalis ito dahil sa lantaran na ang operasyon ng sindikatong namimili ay nagbebenta ng laman-loob.


Nagbigay pa ng pahayag noon ang Facebook na hindi nila papayagan ang anumang content na may nilalaman patungkol sa bentahan ng kidney o kaya ay handang bumili ng kahit anong parte ng katawan ng tao at nakahanda

umano silang papanagutin sa batas.


Kunsabagay noong mga 1970’s ay nagsimula na ang bentahan ng kidney sa bansa at karaniwang biktima ay ang mga mahihirap nating kababayan na sa pag-aakalang makakaahon na sa buhay ay pikit-matang ipinagbibili ang kanilang kidney.


Umingay ng husto ang bantahan 1990 at ang naging sentro ng kalakalan ay ang Baseco Compound sa Manila na noong mga panahong iyon ay dalawang marka lamang ang makikita sa katawan ng mga lalaking tagaroon—ito ang tattoo sa katawan at hiwa sa tagiliran na katanuyang naipagbili na ang kidney.


Isang lalaki noon ang hindi nahiyang humarap sa telebisyon at inaming ipinagbili niya ang kanyang kidney sa halagang P160,000 upang makapagsimula sana ng kahit maliit na negosyo, ngunit bigo itong mapalago kaya hanggang ngayon ay nananatili pa rin siyang mahirap.


Ang tanging ipinagpapasamalat na lamang umano nito sa Maykapal ay nananatili rin siyang buhay bagama’t nakararanas na ng madalas na paghingal sa kanyang paglalakad dahil ilan sa kanyang kasamahan ay binawian ng buhay ilang buwan matapos ipagbili ang kidney.


Noong mga panahong iyon, ang Baseco na may 50,000 residente ang tinaguriang best-known living donor community na tinatayang nasa mahigit sa 3,000 katao ang nagbenta ng kani-kanilang kidney at wala kahit isa ang napaulat na napaganda ang buhay dahil dito.


Ngayon heto na naman tayo, unti-unti ay bumabalik na naman ang sistemang ito na kung mabibigyan ng pagkakataon na muling makabuwelo ay tiyak na mas bibilis pa ang bentahan dahil sa social media kaya hangga’t maaga ay dapat masawata ang problemang ito.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page