ni Lolet Abania | June 3, 2022
Binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) ang ilang lugar sa Region II, Region VIII, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis.
Batay sa datos mula sa DOH, umabot sa 631 leptospirosis cases na nai-report mula Enero 1 hanggang Mayo 7 — 6% na mas mataas kumpara sa mga kaso sa parehong period noong nakalipas na taon.
“Tag-ulan na po kasi, nakikita na natin na laging umuulan so dito po talaga nagkakaroon tayo because ‘yung mga baha, nag-iipon ng tubig, tapos ‘yung maduduming kapaligiran dahil ‘yung ihi ng mga hayop ang sumasa diyan sa floodwater,” paliwanag ni DOH Undersecretary Maria Vergeire sa isang radio interview ngayong Biyernes.
Ayon sa DOH, ang weekly cases ay mababa noong umpisa ng taon. Subalit, tumaas ang mga kaso nito ng 193% mula Marso 13 hanggang Abril 30 kumpara noong nakaraang taon, kung saan ang ahensiya ay nakapag-record ng 338 kaso.
Mula Abril 10 hanggang Mayo 7, nakapag-record ang DOH ng 154 kaso ng leptospirosis, kung saan 20% ay galing sa Region VI, 15% sa Region II, at 13% sa NCR. Payo naman ni Vergeire sa publiko na para maiwasan ang naturang sakit, magsuot ng mga boots sakaling masusuong sa tubig-baha, maghugas mabuti ng mga paa matapos na ma-expose sa tubig-baha at agad magpa-check kapag nakaramdam ng mga sintomas.
“If it cannot be avoided, use sealed footwear like waterproof boots, and ask your doctor or health care provider about how to properly take post-exposure medicine after being exposed to flood waters, and if you get any signs or symptoms like fever or headache,” saad ng DOH.
Comentários