ni Lolet Abania | December 27, 2021
Umabot sa mahigit 100 kaso ng acute gastroenteritis at diarrhea ang natanggap na report ng Department of Health (DOH) mula sa Central Visayas at Caraga Region, kung saan labis na naapektuhan ng Bagyong Odette.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, iniulat ng DOH regional offices na mayroong 80 acute gastroenteritis sa Dinagat Islands, habang 16 diarrhea cases sa Cebu at 54 naman sa Siargao District Hospital.
“Cases in Caraga were admitted to hospitals while [the] report from Cebu is currently being validated by our regional epidemiology and surveillance units,” sabi ni Vergeire sa isang media briefing ngayong Lunes.
Sinabi ni Vergeire na inaalam na rin ng ahensiya ang naging dahilan ng pagkakaroon ng gastroenteritis matapos na ang lugar ay makaranas ng water service interruptions dahil sa Bagyong Odette.
“’Yung iba may tubig na dumadaloy pero nasira yung pipes nila doon sa pinagkakabitan. May possible na kontaminasyon dahil nasira or nag-break yung pipes nila underground,” ani Vergeire.
“So ‘yan po ‘yung tinitingnan natin. Nagpadala na po tayo ng mga epidemiology teams natin dito sa mga lugar na ito para makita natin ‘yung talagang source o sanhi ng kanilang pagkakaroon ng gastroenteritis,” dagdag ng kalihim.
Samantala, ayon kay Vergeire, nasa 141 ang nawasak na mga healthcare facilities sa Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, at Caraga regions dahil sa bagyo, kung saan tinatayang ang halaga ng pinsala ay umabot sa mahigit P190 milyon.
Gayunman, sinabi ni Vergeire na ang DOH at kanilang centers for health development ay nagpadala na ng P22 milyon halaga ng medisina, vitamins, family food packs, at hygiene kits, water containers, at iba pang pangangailangan para sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng Bagyong Odette.
Comments