ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | June 29, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong taong 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dog o Aso.
Ang Aso ay lubhang maramdamin at masikreto sa panahong nararamdaman niyang hindi dapat pagkatiwalaan ang mga taong nasa paligid niya. Dahil dito, bihira lang ang nakakapansin na may mga sandali na labis na nalulungkot at nadi-depress ang Aso nang hindi niya ito ipinakikita sa mga taong nakapaligid sa kanya.
Kaya kadalasan, kapag naiinis na siya sa mundo, dahil nararamdaman niyang walang dapat pagkatiwalaan sa mga nasa paligid niya, kung hindi magmumukmok sa isang sulok, handa na ring umangil at lumaban ang Aso upang maproteksiyunan ang kanyang pribadong buhay.
Pero sa totoo lang, bihira itong gawin ng Aso dahil ayaw niyang makipag-away dahil alam niyang sa paraang ito ay bumababa lang ang kanyang pagkatao. Kapag ang Aso ay nakipag-away o nakipagdiskusyon, hindi niya talaga gusto ito, sa halip ay napilitan lamang siya dahil sa hindi maiiwasang sitwasyon. Ngunit pagkatapos nito, sa kanyang pag-iisa ay pinagsisihan ng Aso kung bakit siya pumasok sa nasabing gulo at kung siya lang talaga ang masusunod ay hindi na niya ito uulitin. Sapagkat tulad ng nasabi na, mahal na mahal ng isang Aso ang pribado at masayang pamumuhay kapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.
Kaya napakahalaga sa Aso na maipakita sa kanya ang tunay na pagmamahal at pagkalinga dahil kapag ganitong environment ang ipinadama mo sa kanya, tiyak na magiging masigla, productive at successful ang magiging buhay at karanasan niya.
Ang isa pang ikinaganda sa ugali ng Aso, kung sakaling magalit siya sa iyo o nagkaroon kayo ng tampuhan, ito ay hindi naman panghabambuhay dahil bukas ang loob niya na madaling magpatawad at lumimot sa mga pagkakasala o pagkakamali na nagawa mo sa kanya. Basta ang mahalaga, maramdaman niya na kinakalinga mo siya at hindi nawawala ang pagmamahal mo sa kanya.
Gayunman, bukod sa pagiging malihim at palaging naghahangad ng magmamahal at papansin sa kanya, kilala rin ang Aso sa pagiging makuwento. Kumbaga, mahilig siyang magbida at habang ibinibida niya ang kung anu-anong bagay, doon siya nakadarama ng maluwag na damdamin at lihim na ligaya. Sa parte mo naman, bilang kaibigan ng Aso, wala kang dapat gawin kundi ang pakinggan at i-encourage siya upang magkuwento nang magkuwento. Kapag ganu’n ang sitwasyon, tiyak na magiging maligaya siya at habambuhay kayong magiging mag-best friend.
Dagdag pa rito, ang isa pang pangunahing ugali ng Aso na hindi mo maunawaan kung maganda ba ito o hindi ay ang hindi sila materialistic, kaya bihira sa kanila ang yumayaman nang todo. Dahil likas sa kanila ang pagiging mapagbigay at tumulong, imbes na ipon na nila ay nagagawa pa nilang ipahiram o ipautang sa mga nangangailangan. Kaya ang kadalasang nangyayari, kapag hindi nakabayad ng utang ang mga taong pinagkatiwalaan nila, tulad ng pangkaraniwang tao ay sumasama ang loob ng isang Aso sa nasabing kaibigan o kakilala na hindi nakabayad ng utang.
Gayunman, ang ipinagkaiba ng Aso sa mga taong nagpapautang na hindi nababayaran, paglipas ng panahon, bola-bohalin at purihin mo lang ang taglay niyang ganda at kabaitan, kahit may mga dati kang utang sa kanya, malamang na muli ka niyang pauutangin. Tunay ngang ganu’n kabait at kadalisay ang puso at kalooban ng Aso, kaya minsan ay nasasabihan siya ng mga taong malalapit sa kanya na madali siyang mauto at maloko ng mga taong mapagsamatala.
Hindi rin alam ng Aso ang sagot, pero isa lang ang alam niya— siya ay tunay na maawain at mapagmahal sa mga taong alam niyang walang maaasahan at labis na nangangailangan.
Itutuloy
Comments