ni Ambet Nabus @Let's See | April 22, 2023

Ayaw na raw sanang palakihin pa nina Doc Willie Ong at Dra. Liza Ong ang isyu hinggil sa ipinadalang "cease and desist order" ng legal team ni Kris Aquino.
Pero dahil sa reputasyon at dangal din nila ang nakataya, tila may kontra legal action din silang gagawin.
Kaugnay nga ito ng pagbabanta ng kampo ni Kris na sasampahan nila ng kaso ang mag-asawang doktor dahil sa paggamit diumano ng mukha at name niya sa fake ad para sa isang supplement o gamot laban sa kanser.
Dahil nga ru'n ay pinadalhan ng sulat ng abogado ni Kris sina Doc Willie at Doc Liza na agad namang sinagot ni Doc Willie sa kanyang vlog at pinabulaanang wala silang kinalaman at hindi sa kanya ang Facebook account na nagpapakalat ng naturang ad at ginamit lang din ang pangalan nilang mag-asawa.
Ikinalungkot din ng pamosong doktor ang pagpatol ng pahayagang Philippine Daily Inquirer, dahil naglabas din ito ng balita gamit pa ang mga salitang "verified account" patungkol sa Facebook account ni Doc Willie.
Sey pa nito, "Nakakalungkot lang na ang gaya ng malakas na media outlet ay basta rin pumapatol at naglalabas ng ganu'ng balita. Hindi ba nila alam ang fake news sa totoo?
Sinabi pa nilang "verified account" ang obvious namang "poser" lang dahil sa maling spelling ng mga names namin (spelled as Willle Ong, instead of Willie Ong), triple "L", at Doc Lizza (double "Z"), walang check mark after our names at walang mga followers?
"Kung kilala ninyo kami at nasusubaybayan, du'n pa lang ay magtataka na kayo dapat.
Sana, nag-check muna sila kung sa amin nga 'yung Facebook account. Madali naman akong tawagan, kahit pa ng kampo ni Ms. Kris."
At dahil nakukuwestiyon nga ang kredibilidad, dangal at reputasyon nina Doc Willie at Dra. Liza, tila handa rin silang gumawa ng aksiyong legal para managot ang dapat.
Comments