top of page
Search
BULGAR

Doble-sakit dahil sa mismong kaarawan pumanaw... Paulit-ulit na pananakit ng ulo, pagsusuka

at panghihina, dinanas ng 12-anyos na namatay sa Dengvaxia


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 11, 2021



“The source of our greatest joy can be the source of our deepest sorrow.” Totoo ang quotation na ito para sa mag-asawang G. Wilson at Gng. Eutropia Martija ng Batangas City. Hindi nila makalilimutan ang ika-10 ng Hulyo, 2006 nang isinilang ang kanilang pinakamamahal na anak na si Bianca Martija, ngunit noong Hulyo 10, 2018 naman nangyari ang napakasakit na pagpanaw niya. Anang mag-asawa,


“Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni Bianca, lalo na at araw ng kapanganakan niya nang siya ay binawian ng buhay.”


Si Bianca ay 12-anyos nang namatay. Siya ang ika-67 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Bianca ay tatlong beses nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Batangas noong Hunyo 14, 2016; Enero 24, 2017; at Agosto 3, 2017. Noong 2015 ay dati nang na-dengue si Bianca at siya ay na-confine sa isang ospital sa Batangas. Ayon kina G. at Gng. Martija, gumaling at bumalik sa malakas at masiglang pangangatawan ang kanilang anak. Gayunman, hindi pa rin nakaligtas si Bianca sa mapait na kapalaran. Mula Enero hanggang Mayo 2018, nagsimulang magkaroon ng manipestasyon sa kanyang katawan ang kanyang karamdaman. Sa mga panahong ‘yun, nagsimulang magreklamo ng pananakit ng ulo si Bianca. Nawawala naman ang pananakit ng ulo niya sa tuwing umiinom siya ng Biogesic. Nagtuluy-tuloy ang pananakit ng kanyang ulo sa mga sumunod na buwan hanggang Mayo 2018 na nabibigyang-lunas naman sa tuwing umiinom siya ng Biogesic. Subalit, pagdating ng Hunyo hanggang Hulyo 2018, pinagdaanan ni Bianca ang matinding pahirap ng kanyang karamdaman na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang mga kaugnay na detalye sa nasabing pangyayari:

  • Hunyo 9, 2018 - Nagreklamo ng sobrang pananakit ng ulo si Bianca na sinundan ng kanyang pagsusuka.

  • Hunyo 10, 2018 - Dinala siya sa klinika para ipasuri at niresetahan siya ng Dolfenal at multivitamins. Hindi pa rin nawala ang pananakit ng kanyang ulo matapos na siyang ipa-check-up.

  • Hulyo 7, 2018 - Muling nakaranas ng pananakit ng ulo si Bianca at labis ang pag-iyak niya dahil sa sobrang sakit ng kanyang ulo. Hindi na muli siya nakausap ng kanyang mga magulang. Anila, siya ay nakaihi pa sa kanyang sapin, lupaypay na at naninigas ang kanyang katawan. Agad siyang itinakbo sa isang ospital sa Batangas. Dahil hindi kaya ng kanyang mga magulang ang hinihinging bayad ng nasabing ospital, inilipat siya sa ibang ospital. Ngunit nang dumating sila roon ay sinabihan sila na hindi sapat ang pasilidad, kaya muli siyang inilipat ng ospital. Alas-3:00 madaling-araw nang makarating sila roon.

  • Hulyo 8, 2018 - Alas-7:00 ng umaga, inilipat sa ICU si Bianca. Ala-1:00 ng hapon nang siya ay isailalim sa CT scan.Pansamantala ay ‘yun ang ginawang pagsusuri sa kanya. Ayon sa mga doctor, unresponsive siya at kahit ilawan ang kanyang mga mata ay hindi siya gumagalaw.

  • Hulyo 10, 2018 - Hindi bumuti ang kalagayan ni Bianca. Ang mga magulang niya ay tinapat ng doktor na wala nang pag-asang gumaling si Bianca dahil tatlong araw na siyang brain dead. Bandang alas-6:30 ng gabi nang tanungin ang mga magulang ni Bianca ng doktor kung papayag silang tanggalin na ang kanyang life-support. Dahil sa pagpapaliwanag ng mga doktor sa kalagayan ni Bianca, pumayag sila.Pagsapit ng alas-7:30 ng gabi, tuluyan nang pumanaw si Bianca. Narito ang bahagi ng pahayag nina G. at Gng. Martija ukol sa pagkamatay ng kanilang anak:

“Nakasaad na siya ay namatay dahil sa “brain herniation” (immediate cause), “acute intraparenchymal fronto temporoparietal bleed, left” (antecedent cause). Isang masigla at malusog na bata ang aming anak. Minsan na siyang na-dengue, subalit siya naman ay gumaling at bumalik ang dating sigla ng kanyang pangangatawan. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia na itinurok sa kanya ay makapagbibigay-proteksiyon sa kanya, lalo at siya ay dating na-dengue. Nang dahil palaisipan sa amin ang sanhi ng karamdaman ng aming anak, napagdesisyunan naming humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa forensic examination ang katawan ng aming anak para malaman ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.”


Maliban sa katotohanan, hindi na kailangang sabihin pa na napakahalaga rin ng katarungan na siya ring hiling pa ng mag-asawang Martija na makamit sa tulong ng inyong lingkod at PAO. Kaya naman kasama na ngayon ang kaso ni Bianca sa aming mga ipinaglalaban sa hukuman. Para sa mga Martija, hindi na mabubura pa ang mapait na kasaysayan na nakatala sa mga petsang Hulyo 10, 2006 at Hulyo 10, 2018. Gayunman, para sa kaso ni Bianca, patuloy naming gagawin ang lahat ng aming makakaya sa legal na pamamaraan, upang isang araw na nakatakda ang paghahari ng katarungan ay maibsan ang pait na hatid ng nasabing mga petsa sa mga Martija.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page