top of page
Search
BULGAR

Doble-pahirap at takot sa naiwanang pamilya... Kapatid ng 14-anyos na namatay sa Dengvaxia,

nakararanas na ng parehong sintomas.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 13, 2021



Kambal na dagok ng tadhana ang nararanasan ng pamilya Guerra ng Las Piñas City. Dalawang biktima na umaasa ng hustisya. Hindi pa man nabibigyan ng katarungan ang isang miyembro ng kanilang pamilya na yumao na ay matinding paghihirap ng damdamin din ang kanilang inaabot sa pag-aalala sa isa pang mahal nila sa buhay. Labis-labis ang kalungkutan ng pamilya Guerra, lalo na ang ilaw ng kanilang tahanan na si Gng. Sonia Guerra dahil sa sinapit ng kanyang mga anak na sina Shiela Mae Guerra at Carlo Guerra.


Si Shiela Mae, 14-anyos, na namatay noong Agosto 1, 2018, ang ika-76 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Siya ay isang beses nabakunahan ng Dengvaxia vaccine sa kanilang eskuwelahan sa Las Piñas noong Nobyembre 28, 2017. Gayundin, ani Gng. Sonia Guerra, “Ang aking anak na si Carlo Guerra ay naturukan din ng nasabing bakuna sa kanyang paaralan sa Las Piñas.” Noong Hulyo 15, 2018, nagkalagnat si Shiela Mae, pinainom siya ng paracetamol at bahagyang bumuti ang kanyang kondisyon. Nanakit ang kanyang ulo; para rin siyang nasusuka, nahirapan sa paghinga at nanakit ang ibabang bahagi ng kanyang katawan. Noong Hulyo 16, 2018, matapos niyang manggaling sa paaralan ay muli siyang nagkaroon ng mataas na lagnat, hirap sa paghinga at pagsusuka ng laway. Naging pabalik-balik ang kanyang lagnat sa mga sumunod na araw.


Mula Hulyo 19 hanggang 22, 2018, at Hulyo 30 hanggang 31, 2018 ay nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Shiela Mae. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Hulyo 19 - Alas-5:00 ng hapon, dinala sa isang ospital sa Las Piñas si Shiela Mae at isinailalaim siya sa iba’t ibang pagsusuri. Ani Aling Sonia, “Dahil napag-alaman nilang naturukan ng Dengvaxia ang aking anak, hindi kami pinagbayad ng ospital sa laboratory tests.” Matapos ang laboratory tests, ni-refer sila sa isang ospital sa Muntinlupa City, alas-10:00 ng gabi at muli silang inilipat sa ibang ospital sa Las Piñas City.

  • Hulyo 20 - Pabalik-balik pa rin ang kanyang lagnat at nakaranas ng pagsusuka. Si Shiela Mae ay isinailalim sa x-ray, at isinailalim sa ultrasound ang kanyang tiyan.

  • Hulyo 21 - Alas-4:00 ng hapon, inilabas ng ospital si Shiela Mae dahil sinabihan si Aling Sonia ng doktor na maayos na ang kanyang anak. Ngunit sabi ni Aling Sonia, “Naramdaman ko pa rin na mainit ang katawan ng aking anak.”

  • Hulyo 22 - Alas-7:00 ng umaga, muli siyang ibinalik sa pinagdalhang ospital sa Muntinlupa City; muli siyang nilagnat at may ubo rin siya. Inobserbahan siya ng ilang oras at pagsapit ng alas-6:00 ng gabi, inuwi na siya. Si Shiela Mae ay niresetahan ng mga gamot at bumuti naman ang kanyang kalagayan.

  • Hulyo 30 - Pumunta sila sa isang ospital sa Las Piñas para sa kanyang follow-up check-up. Ani Aling Sonia, “Maayos naman ang aking anak bukod sa pagrereklamo niya ng pananakit sa ibabang bahagi ng kanyang katawan.”

  • Hulyo 31 - Alas-5:00 ng madaling-araw, nagtae ng dugo si Shiela Mae. Ani Aling Sonia, “Ang tae ng aming anak ay kombinasyon ng fresh, parang jelly at itim na dumi at dugo. Dalawang beses nagtae ng ganu’n ang aking anak.” Kaya siya ay isinugod sa isang ospital sa Las Piñas bandang alas-7:00 ng umaga. Ani Aling Sonia, “Nagtae siya ng dugo na may isang tabo ang dami. Tuloy-tuloy ang paglabas ng dugo sa kanyang puwet.” Alas-4:00 ng hapon, inilipat sa isang ospital sa Maynila si Shiela Mae. Habang lulan ng ambulansiya, walang tigil ang pagtatae niya ng dugo. Pagdating doon, in-intubate si Shiela Mae at nahihirapan na siyang umintindi ng mga salita. Nagpupumiglas siya kaya itinali rin ang kanyang mga kamay. Dagdag pa ni Aling Sonia, “Hindi tumigil ang pagtagas ng dugo mula sa puwetan ng aking anak.”

Noong Agosto 1, 2018, binawian ng buhay si Shiela Mae at alas-5:00 ng madaling-araw nang araw na ‘yun ay bumagsak ang blood pressure niya sa 70/25 at napakataas ng lagnat niya. Sabi ng doktor, kritikal na ang lagay ni Shiela Mae at anumang oras ay baka mamatay na siya. Pagsapit ng alas-2:45 ng hapon ay tuluyan nang pumanaw si Shiela Mae.


Narito ang pahayag ni Aling Sonia sa pagkamatay ni Shiela Mae:


“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aking anak, kaya naman ako ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa kalusugan niya. Kung hindi nabakunahan si Shiela Mae ay nabubuhay pa sana siya ngayon kaya kinakailangan g may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aking anak.”


Sa pamilya Guerra, hindi lamang ang dinanas ng yumaong si Shiela Mae ang tila bangungot na gumagambala sa kanila kundi pati na rin ang pinagdaraanan ngayon ng kapatid nitong si Carlo. Ani Aling Sonia, “Kasama pa sa pagdadalamhati ko kay Shiela Mae ay ang pag-aalala ko para sa kalusugan ng aking isa pang anak. Nakararanas na rin ng pagtatae ng dugo ang anak kong ito.”


Kami sa Public Attorney’s Office, ganundin ang PAO Forensic Team na hiningan ng tulong ng pamilya Guerra ay sinasamahan sila sa kanilang laban pangkatarungan sa abot ng aming makakaya.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page