ni Grace Poe - @Poesible | July 05, 2021
Kumusta ang estado ng pagbabakuna sa inyong lugar, mga bes? Patuloy ang pagrorolyo ng baksinasyon sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na sa mga lugar na may mataas na insidente ng COVID-19. Hinihikayat natin ang lahat na makibahagi sa prosesong ito para magkaroon ng laban ang ating bansa kontra COVID-19.
Bagama’t bumaba na ang mga kaso sa National Capital Region (NCR) at kalapit na lalawigan kumpara sa nakaraang mga buwan, mapapansin na ibang bahagi naman ng bansa ang nahihirapan sa mataas na bilang ng impeksiyon. Bagama’t nagluluwag ng restriksiyon sa ating bansa, hindi ito nangangahulugang ligtas na tayo. Malayu-layo pa tayo, lalo na dahil sa nagbabadyang panganib ng Delta variant.
Ano ba itong tinatawag na Delta variant ng COVID-19? Ito ang klase ng COVID-19 na nakita nating sumalanta sa India. Kumpara sa mga naunang bersiyon ng virus, mas mabilis kumalat at mas matindi ang tama nito. Mas malaki ang tsansa na magkaroon ng karamdaman na magdudulot ng pagkakaospital ito. Dahil nagbago na ang virus mula noong ginawa ang mga bakunang mayroon tayo, may tsansa na hindi sapat ang proteksiyon laban dito.
Dahil sa Delta variant, nagkakaroon ng panibagong pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa ibang bansa. Naging dahilan ito ng imposisyon ng bagong lockdowns sa ibang lugar. Sa ating bansa, iniulat ng Department of Health (DOH) na sa itinatayang 17 kaso ng Delta variant, 15 umano ang gumaling na, 1 ang namatay, at 1 pa ang nasa ospital.
Kung kakalat ang Delta variant sa ating bansa, malaking-malaki ang peligro sa atin. Malamang-lamang, sa loob ng bahay pa rin tayo magpa-Pasko, at baka magbalik na naman ang paghihigpit sa mga establisimyento. Ngayon pa lamang, agapan na natin ito. Higpitan ang border controls natin sa mga bansang may mataas na insidente ng Delta variant. Huwag nating ulitin ang pagkakamali natin noong unang bahagi ng pandemyang ito. Panahon ito para sa mabilis na desisyon kontra sa impeksiyon.
Patuloy pa rin nating sundin ang ipinatutupad na social distancing, pagsusuot ng facemask, at madalas na paghuhugas at paglilinis ng kamay. Napakaliit na bahagi pa lang ng ating populasyon ang may bakuna at patuloy ang mutasyon ng coronavirus. Gawin natin ang ating parte sa pamamagitan ng pag-iingat. Tandaan, ang apektado kapag may nakakuha ng impeksiyon ay hindi lamang ang may katawan, kung hindi pati ang mga tao sa ating paligid.
Ibayong ingat tayo, mga bes.
Comentarios