top of page
Search

DLSU at UST nanguna sa opening ng UAAP Esports 

BULGAR

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 15, 2024



Sports News
Image: UAAP Esports

Namayagpag ang De La Salle University at University of Santo Tomas sa makasaysayang pagbubukas ng pinakaunang UAAP Esports Tournament Martes sa Ateneo de Manila University. Sumosyo ang mga nasabing paaralan sa maagang liderato sa parehong NBA 2K at Valorant na senyales sa magiging takbo ng torneo. 


Sumandal ang DLSU Viridis Arcus kay Kegan Audric Yap na winalis ang kanyang apat na laro upang manguna sa Grupo B ng NBA 2K. Sa Grupo A, nanatiling malinis si Eryx Daniel delos Reyes ng UST Teletigers sa apat na laro. 


Ang 8 paaralan ay may tig-isang kinatawan sa bawat grupo na maglalaro ng single round o 7 beses. Ang dalawang may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa semifinals at finals na gaganapin ngayong Huwebes sa parehong lugar simula 10:00 ng umaga. 


Samantala sa Valorant, tinuldukan ng Viridis Arcus ang unang araw sa mainitang laban kontra matagal na karibal Ateneo Blue Eagles, 13-4 at 13-6, sa tampok na laro Grupo A.  Wagi ang FEU Tamaraws sa Adamson Falcons, 13-8 at 13-3, upang pormal na buksan ang kompetisyon.


Kinuha ng Teletigers ang liderato sa Grupo B sa bisa ng 13-6 at 13-9 tagumpay sa University of the East Zenith Warriors. Hindi nagpahuli ang University of the Philippines Fighting Maroons at pinaamo ang National University Bulldogs, 13-6 at 13-4. 


Magpapatuloy ang virtual barilan sa group stage ng Valorant ngayong araw.  Ang semifinals at finals ay gaganapin si Biyernes simula 10:00 ng umaga. 


Ang inaabangang Mobile Legends: Bang, Bang ay magsisimula sa Agosto 17 hanggang 21. Ang UAAP Season 87 Men’s Basketball Tournament ay magbubukas sa Setyembre 7 kung saan UP ang punong-abala at may temang “Stronger, Better, Together.” 


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page