ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 20, 2024
LAGOT KAY DSWD SEC. REX GATCHALIAN ANG MGA OPISYAL NA NANGUNGULIMBAT NG AYUDA -- Pinasampahan ni Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian ng kasong kriminal at administratibo ang barangay chairman at kagawad na dumekwat ng P8,500 sa P10K na ayuda ng DSWD sa buntis na ginang sa Davao.
Lagot ang mga nangdedekwat ng ayuda, kasi ang aksyon na iyan ni Sec. Rex ay patunay na wala siyang sasantuhing tiwaling opisyal na mangungulimbat sa cash assistance na ibinibigay ng DSWD sa mamamayan, period!
XXX
MAGING ARAL SA MGA VLOGGER ANG NANGYARI KINA RENDON AT ROSMAR NA NAPATAWAN NA NG PERSONA NON-GRATA, KAKASUHAN PA -- Hindi lang sa bayan ng Coron idineklarang persona non-grata ang mga vlogger sa social media na sina Rendon Labador at Rosamarie “Rosmar” Tan Pamulaklakin, kundi sa buong lalawigan na ng Palawan.
At hindi lang basta persona non-grata, kundi pinag-aaralan na rin ng Palawan Provincial Government ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban kina Rendon at Rosmar dahil sa ginawa nilang pambu-bully, pamamahiya sa isang empleyada at pagwawala nila sa loob ng Coron Municipal Hall.
Ang nangyaring ito kina Rendon at Rosmar ay magsilbing aral sana sa ibang vloggers, na ang nais nating ipunto, na ang pagiging vlogger ay hindi dapat ipinagyayabang, boom!
XXX
PAG-‘REYNA ELENA’ NI DIWATA SA MALABON, INSULTO SA CATHOLIC CHURCH, KABABAIHAN AT KAY SANTA HELENA -- Malaking insulto sa Catholic church, sa kababaihan at kay Santa Helena ang pagganap ni Deo Balbuena, alyas Diwata bilang ‘Reyna Elena’ sa idinaos na sagalahan sa isang barangay sa Malabon.
Tradisyon na kasi sa Kristiyanismo na magandang babae na may mabuting kalooban ang kinukuha bilang ‘Reyna Elena,’ kaya maling-mali talaga ang ginawa ng mga organizer na kuhaning ‘Reyna Elena’ ang bading na si Diwata.
Ang nais nating ipunto rito, hindi dapat ginagawang katatawanan ang ‘Reyna Elena’ sa sagalahan dahil ito ay isang santa, period!
XXX
MAHINA ANG DISKARTE NG CUSTOMS SA PAGLABAN SA FAKE YOSI SMUGGLING KAYA MGA PARAK NA ANG AAKSYON -- Inatasan ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil ang kapulisan na tumulong sa pagsugpo sa fake yosi smuggling sa Pilipinas dahil nakakaapekto na ito sa pamumuhay ng mga tobacco farmers at sa kalusugan ng mamamayan.
Kabilang sa mandato ng Bureau of Customs (BOC) ay lansagin ang smuggling sa bansa, pero dahil mahina ang diskarte ng Customs sa paglaban sa fake yosi smuggling, kaya mga parak na ang aaksyon, boom!
Comentarios